(NI JULIE DUIGAN)
LABING-ISA katao, kabilang ang dalawang Chinese national, ang binitbit ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), dahil sa iligal na pagmimina ng buhangin, sa Floridablanca, Pampanga, nitong Miyerkoles.
Sa press conference nitong Huwebes, sa NBI main sa Taft Avenue sa Ermita , iprinisinta sa media nina NBI deputy director and spokesperson Ferdinand Lavin, Public Information Office chief Nick Suarez at NBI-Environmental Crime Division (EnCd) chief Czar Eric Nuqui, ang mga suspek na sina Jiemco Cadorna, Dranreb Gegante, Joey Espanola, Ruben Garcia, Danilo Carida, Erik Quiambao, Wilfredo Gonzales, Mary Jane Nuguid, Antonio Buyson at mga dayuhang sina Geng Ping Y Zhu at Ge Wei Chen, na pawang sumailalim na inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) sa paglabag sa Section 103 (Theft Minerals) ng Republic Act 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995.
Sinabi ni Nuqui na natanggap nila ang reklamo ng Palakol and Quarry Development Corporation hinggil sa iligal na operasyon ng Riah Yuan Vibro at Antonio Buyson Quarry sa Gumain River, bahagi ng Floridablanca, Pampanga kaya nakipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) , kung saan nadiskubreng walang permit na hawak ang dalawang mining company.
Nang matiyak sa isinagawang surveillance na nag-ooperate ang nasabing mga kompanya ay agad sinalakay ng NBI, kasama ang mga kinatawan ng DENR-MGB, ang Gumain River kung saan nadatnan ang ilang heavy equipment sa pagmimina tulad ng backhoes at mga truck na panghakot ng buhangin.
Sinamsam ang mga kagamitan at inaresto ang mga sangkot sa iligal na operasyon, kabilang ang may-ari ng Antonio Buyson Quarry.
Natuklasan na may permit sa quarrying operations ang Buyson subalit labas naman sa area na pinapayagan sa permit ang pinagminahan.
649