(Ni JG Tumbado)
Karaniwang pangarap ng mga batang lalaki ang maging sundalo sa pagtuntong nila sa tamang edad. Naroon kasi ang paniwala nila na ibang responsibilidad ito at tunay na karangalan ang magsilbi at maprotektahan ang bansa.
Sa kabila ng mga kontrobersya na naipupukol sa Armed Forces of the Philippines (AFP), mataas pa rin ang tiwala at respeto ng mga tao sa nasabing puwersa ng militar ng Pilipinas. Ito ay dahil ang bigat ng mandato at tungkulin ng AFP na panatilihing ligtas ang lawak ng nasasakop na teritoryo ng bansa ay hindi matatawaran.
Sa mga nagnanais na maging sundalo ng AFP, alamin ang mga bagay na ito.
Mayroong tinatawag na commissioned at non-commissioned officers sa AFP. Ang commissioned ay ang mga may ranggong tinyente pataas o ang mga sumasalang sa hiwalay na pagsasanay para maging opisyal. Ang mga non-commissioned ay ang ranggong sarhento.
Upang maging opisyal ng AFP, may ilang opsyon na makuha ito: magsanay ng apat na taon sa Philippine Military Academy (PMA); at kumuha ng short course ang mga nakapagtapos ng bachelor’s degree.
Kung nais na pumasok sa PMA, kailangan munang maipasa ang requirements at entrance examination. Bahagi ng requirements ay ang mga sumusunod:
- Natural-born Filipino citizen;
- Physically fit at may good moral character;
- Walang asawa at hindi pa naikakasal;
- Naipasa ang PMA entrance examination;
- Walang kasong administratibo o kriminal;
- Nakapagtapos ng high school o ga-graduate nang hindi lalagpas ng Hunyo ng taon matapos na makakuha ng pagsusulit para sa Grade 12;
- May taas na 5 talampakan sa babae at lalaki; at
- May edad na 17 hanggang 22 taon.
Sa ilalim naman ng Officer Candidate Course, kailangang matugunan ang mga sumusunod na requirements:
- Mayroong baccalaureate degree;
- Natural-born Filipino;
- May edad na 21 hanggang 29 na taon;
- Walang asawa at hindi naikasal, walang anak;
- May taas na hindi bababa sa limang talampakan (152.4cm);
- May good moral character;
- Physically, mentally at psychologically fit para sa active military service;
- May Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test (AFPSAT), raw score na 71 o mas mataas pa;
- Pasado sa Army Qualifying Exam (AQE) at Special Written Exam (SWE) ng Philippine Army; at
- Pasado sa Physical Medical Exam at Physical Fitness Test sa Philippine Army.
Sa papasok sa AFP sa ilalim ng Officer Preparatory Course, kailangan ang mga sumusunod:
- Commissioned sa Reserve Force bilang second lieutenant;
- May edad na 31 taon sa petsa ng Called to Active Duty;
- Physically, mentally at psychologically fit para sa active military service (P1 profile);
- Mayroong baccalaureate degree;
- May taas na hindi bababa sa limang talampakan sa babae at lalaki;
- May good moral character;
- Mayroong AFPSAT raw score na 71 o pataas;
- Pasado sa (AQE) at SWE ng Philippine Army; at
- Pasado sa Physical Medical Exam at Physical Fitness Test ng Philippine Army.
May kaakibat na kompensasyon at allowances ang bawat kadete ng PMA sa panahon ng kanilang pag-aaral at pagsasanay.
Ang kada buwan (monthly gross) na kompensasyong tinatanggap ng isang candidate soldier ay nasa P33,327; ang Private (enlisted personnel) ay P37,038; ang Officer Candidate ay P41,696 at ang 2Lt (Call to Active Duty) ay P49,906.
Bukod pa sa mga benepisyo, kabilang din ang mga sumusunod:
- Insurance at healthcare benefits;
- Billeting at housing privilege;
- Seguridad sa trabaho;
- Leadership at iba pang skills trainings;
- Oportunidad para sa career advancement batay sa performance;
- Oportunidad na makapag-graduate studies sa lokal o abroad; at
- Oportunidad na mamuno sa Army.
Asahan nang hindi magiging madali ang mga pagsasanay na pagdaraanan ng mga sasabak sa AFP. Ngunit bunsod na rin sa pagtutok ng gobyerno na maitaas ang sweldo at benepisyo ng mga sundalo, matutumbasan na nito ang pagsasakripisyo ng mga awtoridad upang manatiling ligtas, protektado at malaya ang mga Filipino at ang bansa.
KASAYSAYAN NG PHILIPPINE ARMY
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) o Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay ang military forces ng bansa, Ito ay may tatlong pangunahing sangay: ang Army, Navy at Air Force.
Ang Army ay ang pangunahin, pinakamatanda at pinakamalaking sangay ng AFP.
Mga labanan bago pa ang mga pananakop
Nagsimula ang puwersang panlupa sa bansa bago pa man ang pananakop ng mga Kastila at mga Amerikano. Sa panahong yaon, ang mga tao at mga barangay na nagmula sa iba’t ibang rehiyon ay bumuo ng sarili nilang mga armadong grupo na pangunahing binubuo ng mangangaso at mga mandirigma. Nagsisilbi ang mga ito bilang tagapagtanggol ng mga tribo o bilang mga sundalo na mga pinadadala sa pakikipagbakbakan sa mga kalabang barangay. Sa ibang pagkakataon ang mga tao ay bumubuo ng mga alyansa para makaatake sa mas malakas na mga kalaban. Ang mga ginagamit noong armas ay tulad ng kris at kampilan, blowguns, at lantaka. Ang warfare instruments ng mga puwersang Filipino ay nagbabago sa paglipas ng panahon.
Pagsubok sa puwersang Filipino
Noong Abril 27, 1521, nasubukan ang ating puwersang panlupa. At sa pagdating ng mga Kastila nangyari ang hindi inaasahan sa Mactan, Cebu. Dito nagsimula ang Battle of Mactan kung saan dito nagsukatan ng puwersa mula sa grupo nina Lapu-Lapu at Magellan. Ipinakita ng insidente ang pinagsamang lakas ng mga pwersang panlupa ng mga Filipino na kinumpleto ng mga elemento ng unang hukbong pandagat. Ang pwersa ni Lapu-Lapu ay hindi pa pormal na inorganisa bilang isang Hukbong Filipino noong panahong iyon ngunit ang kasalukuyang Philippine Army ay sinimulan nito ang matapang at mapagmataas na pwersa ng mga mandirigma ng bansa.Puwersa para sa kalayaan
Ang kagitingan at hindi masukat na puwersang Filipino ay nabuo pa lalo sa pagkakaroon ng samahan noon na Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, o ang Katipunan. Ito ang samahang binuo noon ni Andres Bonifacio na naging daan sa pagkakaroon natin ng Revolutionary Philippine Army.
Nakipaglaban din noon si Heneral Emilio Aguinaldo laban pa rin sa mga Kastila.
At noong Hunyo 12, 1898 ay nakamtan ng mga Filipino ang kasarinlan dahil na rin sa mga sundalong lumaban sa mga mananakop na mga Kastila.
2499