Hindi maiwasang magmukhang desperado si Congressman Alan Peter Cayetano sa kanyang target na maging House speaker dahil magpahanggang ngayon paulit-ulit pa rin niyang itinutulak ang term-sharing sa pagitan nila ni Cong. Lord Allan Velasco samantalang mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang bumawi ng kanyang naunang proposal na binitawan niya noong trip pa sa Japan.
Binawi na ng pangulo ang proposal na ito, at noong nakaraang Biyernes lamang ay nagdeklara na ito sa lahat ng naglalaban-laban para sa House speakership: “Maglabu-labo na kayo.”
Ang tawag sa behavior na ito ay entitlement mentality. Iba na nga ang tono ni Presidente Duterte, para sa kanya ay moot and academic na ang term-sharing kaya nag-sorry pa ito sa mga pumupuntirya sa speakership na aniya ay puro naman mga kaibigan niya. Para sa pangulo ay magkanya-kanya na ng kampanya ang mga gustong maging speaker. Pagalingan na lang kumbaga.
Sa tingin ng inyong lingkod ang term-sharing na lang kasi ang pag-asa ni Cayetano at ang tanging paraan upang kanyang makopo ang speakership kesehoda nga lamang na masagasaan niya ang mga beteranong kongresista na mariin ang pagtutol sa term-sharing tulad nina Danny Suarez, Johnny Pimentel, at Lito Atienza.
Para sa tatlong House senior member, makasisira sa kanilang institusyon ang term sharing at maraming batas para sa bansa at mga mamamayan ang hindi makauusad. Nauna nang pinaliwanag nila na ang bawat House speaker ay palaging mayroong sariling team na inilalagay niya sa mga komite at iba pang importanteng posisyon at kung papalitan lang din sila, hindi magkakaroon ng continuity at mahihinto ang deliberasyon sa mga importanteng batas.
Magiging mauga rin daw ang Lower House at hindi mapapalagay sa kanilang trabaho ang mga kongresista dahil sa term-sharing.
Sa ilang mambabatas na term-sharing advocates, sana magising na sila dahil ang taumbayan na naman ang kawawa rito.
Hindi na tayo dapat magulat kung bakit hinahayaan ni Cayetano na magmukha siyang desperado sa speakership dahil maging ang kanyang kinabibilangang Nacionalista Party ay hindi siya inendorso. Dahil hindi siya ang numero unong choice, term-sharing ang hinihingi niya. Lubhang unbecoming ang kanyang diskarte, lalo na nang pagbantaan at sabihan niya ang kanyang mga kasamahan na “mabuti siyang kakampi pero masamang kaaway.” (For the Flag / ED CORDEVILLA)
115