(NI BETH JULIAN)
TIWALA ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na hindi mahihirapang maipasa sa Kongreso ang mga panukalang batas na isinusulong ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar na ang legislative agenda ng administrasyon ang inaasahang magsusulong ng patuloy na pagbabago at reporma sa bansa.
Ayon kay Andanar, naririyan ang mga mambabatas na kaalyado ng Pangulo Rodrigo Duterte sa 18th Congress na inaasahang magtatrabaho nang husto.
Kung noong 2016 ay kakaunti pa lamang ang kaalyado ng Pangulo sa Kongreso pero nagawang maipatupad at masuportahan ang mga legislative agenda ng Pangulo, ngayon pa kaya na buong-buo o ang super majority ng Kongreso ay suportado ang Pangulo, ayon pa kay Andanar.
Idinagdag nito na sa huling tatlong taon sa panunungkulan ng Pangulo sa puwesto, madaragdagan ang socio-economic initiatives ng pamahalaan upang tugunan ang kahirapan sa bansa.
Sinabi ni Andanar na ang mga nabanggit na programa ay inaasahang tututok sa pagtuon sa kahirapan, mabilis na pag usad ng infrastructure development at sa pagpapalakas sa peace and order situation na siyang tatlong prayoridad ng administrasyong Duterte.
360