(NI LILY REYES)
MAKIKIPAG-DAYALOGO sa Hulyo 22 ang kapulisan sa Metro Manila sa mga grupong magsasagawa ng protesta sa Ika- 4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay NCRPO Director Major Gen. Guillermo Eleazar, ang nasabing dayalogo ay bahagi ng paghahanda sa seguridad ng mga anti at pro-Duterte para maisaayos ang mga lugar kung saan isasagawa ang programa.
Layunin ng mga tauhan ng NCRPO na marinig ang magkabilang grupo para mapaghandaan ang mga protesta at mabigyan din sila ng seguridad.
Ayon pa rin kay Eleazar, hindi nila papayagan na magsama sa iisang lugar ang magkabilang grupo dahil maaring magkaroon ng tensiyon.
Hindi rin umano pipigilan ng Heneral ang mga kilos protesta basta tiyakin lang na magiging maayos at mapayapa ang mga programa.
Iginiit pa ni Eleazar na hindi magdadala ng baril ang mga pulis maliban lamang sa shields at truncheon.
Nabatid pa na walang mga containers at barbed wire na ilalatag sa Batasan Road at Commonwealth Avenue bilang pagpapakita ng goodwill sa mga magpo-protesta.
Una nang inihayag ni Philippine National Police chief Gen, Oscar Albayalde na nasa 9,000 pulis ang nakatoka sa seguridad para sa ikaapat na SONA.
129