PARA ‘DI MAWALA SA POKUS; PACQUIAO IWAS-GIGIL

 

(NI VIRGI ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor/PHOTO BY WENDELL ALINEA)

 

HOLLYWOOD — PABABA na ang ensayo ni Manny Pacquiao bilang preparasyon sa laban kay Kieth Thurman, isang linggo na lang mula ngayon na gaganapin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.

Ayon kay chief trainer at Polangui, Albay vice-mayor Buboy Fernandez, wala nang kulang sa kanilang preparasyon at tanging ang mismong araw na lang ng laban ang hihintayin.

Mayroon lamang paulit-ulit na ipinapaalala si Fernandez kay Pacquiao: Iwasang manggigil.

Sinabi ni Fernandez, na maraming sinasabi si Thurman na ikinaiirita ni Pacquiao at ayaw nilang dadalhin ng 40-anyos na Fighting Senator ang pagkainis sa ibabaw ng ring, dahil makaaapekto iyon sa pokus at fight plan.

“Lagi namin siya nireremind na i-maintain lang ‘yung ginagawa niya sa training, ‘wag intindihin ung mga sinasabi ni Thurman,” panimula ni Fernandez. “Sabi ko sa kanya, turuan mo kung paano rumespeto sa isang senador at sa isang legend.”

“Kasi kung ipasok niya sa isip niya ung mga sinasabi ni Thurman, may tendency na manggigil, mawawala ang pokus, mawawala sa game plan,” dagdag pa ni Fernandez. “Mind game lang ‘yun.”

“Ayaw na rin natin maulit ung mga nangyari sa nakaraan kapag nanggigigil siya, tapos biglang papasok ‘yung kalaban, baka masingitan,” komento pa ni Fernandez. “Mahirap kasi, baka pag tinamaan niya si Thurman, mawala na sa pokus at manggigil para tapusin ang laban, minsan doon nagkakaroon ng disgrasya.”

Ang tinutukoy ni Fernandez ay ang nangyari sa laban ni Pacquiao kay Juan Manuel Marquez (Part 4), kung saan matapos bugbugin ang Mexican, nanggigil ang Pambansang Kamao at inapurang patulugin si Marquez, subalit, nakasingit ng suntok si Marquez, resulta: bagsak si Pacquiao.

Ang gigil ni Pacqiao kay Marquez noon ay bunga ng mga sinabi ng Mexican legend, gaya ng dinaya siya sa ikatlo nilang laban.

Naniniwala rin si Fernandez, na kung lalaban ng pukpukan si Thurman ay maagang matatapos ang laban.

“Pag hindi tumakbo si Thurman, pag nakipagpukpukan siya kay Manny, maaga tayong uuwi,” lahad pa ni Fernandez.

May 6 rounds sparring pa si Pacquiao sa Sabado at apat sa Lunes, bago bumiyahe papuntang Las Vegas.

 

162

Related posts

Leave a Comment