(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL sa katotohanan na maraming driver ang walang disiplina at hindi alam ang mga traffic signs, gagawa ng batas ang Kongreso para sa mandatory seminar at driving test sa mga bagong aplikante ng driver’s license.
Ito ang napakaloob sa House Bill 505 o “Roadworthy Driving Seminar for All Drivers Act” na iniakda ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers dahil sa ngayon ay hindi dumaraan sa seminar at driving test ang mga kumukuha ng driver’s license.
Ayon kay Barbers, layon ng nasabing panukala na maturuan ang mga bagong aplikante ng mga traffic signs, at disiplina sa kalsada dahil marami sa mga driver ngayon ay wala umano nito na naging dahilan ng paglala ng problema sa trapiko lalo na sa Metro Manila at iba pang urban areas sa bansa.
Karaniwan, nag-aapply ang maraming driver na natuto muna sa pag-atras at abante ng sasakyan subalit ang aktuwal na pagmamaneho sa lansangan ay hindi na dumaraan ang mga ito.
“Safe and disciplined driving practice is key to keep the traffic system orderly. We simply cannot allow our current traffic behavior to continue. We must choose to impose order, and in the course, improve the traffic system and the economy,” pahayag ni Barbers sa kanyang panukala.
Kailangang maipasa ang driving test at pagsusulit ukol sa mga traffic signs bago mabigyan ang mga aplikante ng lisensya sa pagmamaneho dahil kung hindi ay walang karapatan ang mga ito na magmaneho.
374