PARA-PARAAN AT TIIS-TIIS MULI

SA TOTOO LANG

Heto na naman tayo muli sa kawalan.

Mawawalan na naman kasi ng tubig at kuryente sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at ibang panig ng Luzon.

Kapag ganito talaga ang problema ay paunti na rin nang paunti hangang masaid na naman ang pasenya natin sa mga kompanyang tagahatid ng mga pangunahing kailangan ng mga tao.

Ang interruption sa tubig ay magsisimula sa araw na ito at tatagal ng pito hanggang 19 oras habang ang malawakang blackout ay mararamdaman ngayong linggo.

Sana marami sa ating mga kababayan ngayon ang nakapag-ipon na ng tubig at magsisimula na naman tayo sa pagtitipid na kung dati ay nakakaligo ng tatlong beses sa isang araw ay baka mabawasan na ito at isang beses na lamang ito mangyayari sa bawat araw. Mas kawawa rito ang may maraming miyembro sa bawat tahanan o may mga negosyo.

Siguro ay pwede na ring silipin na malaking bagay na may paparating na bagyo ayon na rin sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA. Mas mabuti na rin dahil kailangan iyan ng naghihingalong Angat Dam. At kailangan din iyan para mayroon tayong maipon dagdag na tubig para ma­gamit kahit papaano sa loob ng mga tahanan.

Pero sa pagkawala ng tubig ay handa naman ang ating mga lokal na pamahalaan na magrasyon nito sa iba’t ibang lugar o barangay na maaapektuhan ng kakulangan ng suplay ng tubig.

Malaking pasakit ang muling pumila na naman nang pagkahaba para lang makaigib ng tubig lalo na kung ito ay sa oras na alanganin na tapat na tapat sa oras ng pagtulog o kaya’y sa oras na may pasok sa mga paaralan o trabaho.

Sa pagkawala naman ng kuryente na aabot sa isang linggo ay dapat na rin itong paghandaan. Magkakaroon kasi ng isang linggong maintenance works pero ito raw ay para sa mas maayos pang serbisyo ng kompanyang nagdadala ng kuryente sa mga kabahayan.

Dapat ay ilabas na ang mga emergency light, fan, o mag-charge na ng gadgets habang may kuryente pa. Kung possible, opsyon din na mag-charge ng gadgets sa opisina.

Para-paraan na naman tayo. Tiis-tiis muli dahil sa totoo lang ay wala namang tayong magagawa bilang mga konsumer. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

112

Related posts

Leave a Comment