(NI ABBY MENDOZA)
NATULDUKAN na ang hindi pagkakasundo sa pagitan nina Davao City Rep. Paolo Duterte at incoming House Speaker Alan Peter Cayetano matapos makapag-usap nang personal ang dalawa at tanggapin ng batang Duterte ang posisyon bilang Deputy Speaker for Political Affairs sa 18th Congress.
Inianunsyo mismo ni Cayetano sa kanyang facebook post ang pagkikita nila ni Duterte kung saan nakapagusap sila at nagkaayos.
Nagpapasalamat si Cayetano sa presidential son dahil nakapag-usap sila ng personal para talakayin ang mga kinakailangan ng bansa gayundin ang pagkakaroon ng isang “responsive” na Kongreso.
“Together we can all work towards a better Philippines and implement the President’s agenda,” dagdag pa ni Cayetano.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na kapag naupo siya sa pinakamataas na posisyon sa Kamara ay daragdagan niya ang bilang ng mga Deputy Speakers para makatulong sa pagsusulong ng legislative agenda ng Kapulungan.
Sa Lunes ay magbobotohan ang mga mambabatas sa kung sino ang magiging House Speaker kung saan inaasahang maluklok si Cayetano na inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
185