(NI BERNARD TAGUINOD)
MAGKAKAROON ang mga tatay ng isang buwan na bakasyon sa kanilang trabaho kapag nangangak ang kanilang asawa.
Ito ang maximum days ng paternity leave ng 4 na panukalang batas na ihinain ng 9 na mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang bigyan ng sapat na panahon ang mga tatay na alagaan ang kanilang asawa’t anak.
Sa panukalang batas na iniakda nina Quezon City Rep. Alfred Vargas, Bulacan Rep.. Jose Antonio Sy-Alvarado at Diwa party-list Rep. Michael Edgar Aglipay, nais ng mga ito na gawing 15-araw ang paternity leave ng mga tatay.
Sa kasalukuyang batas o Republic Act 8187 o Paternity Leave Act of 1996, 7 araw lamang ang ibinibigay na paternity leave sa mga tatay kapag nanganak ang kanilang asawa subalit nagkaisa ang mga nabanggit na kongresista na hindi ito sapat kaya nais ng mga ito nagawing 15-araw.
Subalit, sa House Bill 512 na iniakda ng 6 na Makabayan bloc congressmen, nais ng mga ito na gawing 30-araw ang paternity leave ng mga tatay upang magkaroon ng mahabang panahon ang mga ito sa kanyang mag-ina.
“This bill seeks to grant to make employees a longer paternity leave to give them a longer time to assist their wives and care for their newborns,” ayon sa panukalang batas ng mga militanteng mambabatas.
Inamin ng mga militanteng solon na walang international standard kaugnay ng paternity leave subalit nanawagan anila ang International Labor Organizations noong 2009 sa mga bansa na gumawa ng polisiya para maibalanse ang responsibilidad sa pamilya.
Sa ngayon ay 120 days ang ibinigay na maternity leave sa mga babaeng empleyado kapag nanganak ang mga ito at kailangan umanong habaan din ang bakasyon ng mga tatay dahil mahalaga ang kanilang papel kapag nagsilang ang kanilang asawa.
133