(NI BERNARD TAGUINOD)
PINAGHIHINAY ng ilang mambabatas sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit sa dengvaxia sa gitna ng dumaraming kaso ng dengue sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ginawa nina Anakalusugan Rep. Mike Denfensor at Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, ang nasabing panawagan kasunod ng mga ulat na bukas umano si Duterte na muling gamitin ang dengvaxia upang makontrol ang pagdami ng nagkakasakit ng dengue.
“Ang appeal ko kay Presidente, huwag ireconsider ang paggamit ulit ng dengvaxia baka maulit ang mga bagay sa nakaraan na hindi natin nagustuhan,” pahayag ni Defensor.
Sinabi ng mambabatas na hindi ang Dengvaxia ang sagot upang mawala ang mga lamok na magdadala ng dengue dahil mismong ang Sanofi Pasteur ang nagsabi aniya na para lamang ito sa mga nagka-dengue na upang kapag nagkasakit ulit ay hindi na malala ang epekto.
“Ibig sabihin kailangan icheck-up muna ang mga tao kung nagkadengue na bago bakunahan. Saka mismong ang Sanofi ang nagsabi na ang dengvaxia ay prevention lang at kahit nabakuhanan ka magkakadengue ka pa rin pero hindi na severe,” ani Defensor.
Sinabi ng mambabatas na kahit ang World Health Organization (WHO) ay nagsabi na tuwing tatlong taon ay umaatake ang lamok na may dengue kaya ang tanging paraan umano para maiwasan ang dengue ay malinis na kapaligiran.
Ganito din ang paniniwala ni Gaite na tutol din sa muling pagggamit ng dengvaxia dahil hindi aniya ito “silver bullet” na kapag naturukan na ang mga tao ay wala ng dengue sa bansa.
“Tingin ng Makabayan bloc, ang dengvaxia ay hindi silver bullet na kagyat na mapabababa ang kaso ng dengue,” ani Gaite kaya dapat pag-isipang mabuti aniya ng gobyerno ang kanilang planong gamitin muli ang bakunang ito.
143