(NI DAHLIA S. ANIN)
MABIGAT na daloy ng trapiko ang sumalubong sa mga pangunahing kalsada sa Maynila partikular sa Pier at Roxas Boulevard.
Ayon sa pahayag ng Philippine Ports Authority (PPA) General Manager na si Jay Santiago, naging masikip ang mga pier dahil sa stop and go na operasyon nito dahil sa sama ng panahon na dala ng Habagat at Bagyong Hanna.
“Hindi naman po walang operations. Ang nangyayari dyan, ang pier natin 24-oras ang operations niyan. Ang nagiging problema lang po natin, dahil makikita naman natin na masama ang panahon, malakas ang hangin lalo na dyan sa area ng South Harbor, hindi tuloy tuloy makapag operate ang ating mga equipment, yung mga cranes,” ayon pa kay Santiago
Ginagawa lang daw nila ito para sa kaligtasan ng mga trabahador at ng maiwasan ang anu pa mang aksidente.
Inabisuhan na ang mga motorista na gamitin muna ang mga service road upang makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Sinabi pa ni Santiago na sinabihan na nila ang Asian Terminal Inc., na siyang operator sa South Harbor na huwag na muna tumanggap ng booking sa araw na ito, at asikasuhin na lamang yung mga may appointment na noong nakaraan.
“Ang instruction po natin sa kanila ay asikasuhin muna yung mga nandyan na na truck. Hindi naman natin sila pwedeng ‘di tanggapin,” ani pa ni Santiago.
316