(NI ESTONG REYES)
IPINANUKALA ni Senador Risa Hontiveros ang ilang hakbang upang maprotektahan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) laban sa panloloko at katulad na scam kaya’t gusto niyang ipa-awdit ang sistema ng pagbabayad sa health service provider.
Sa pahayag, partikular na tinukoy ni Hontiveros ang kasalukuyang case-based payment system na binabayaran ang health care provider sa pamamagitan ng pre-determined fixed rate para sa treated case o disease.
Kasabay ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anomalya sa health department, sinuri ni Hontiveros ang implementasyon ng PhilHealth sa “case based payment system” saka hiniling sa PhilHealth na magbigay ng pinakahuling compliance figures, kabilang ang kasalukuyang protocols sa pagtugon sa kakakulang sa implementasyon nito.
“The case based payment system has to be reviewed. Other options for paying providers should be explored and implemented,” ayon kay Hontiveros.
Napaulat na may kaso ng overpayment sa sakit na pneumonia at caesarian section.
May ulat din ang Commission on Audit (COA) sa panahon nang ipinatutupad ang fixed rate payments.
Inatasan ng COA ang PhilHealth na balikan ang implementing guidelines ng patakaran nito at tiyakin na tanging totoo at balidong gastusin ang nababayaran.
“Shift to a strategic payment mechanism”
Samantala, sinuportahan din ni Hontiveros na baguhin ang sistema ng pagbabayad ng PhilHealth sa pamamagitan ng strategic provider payment mechanism tulad ng Diagnosis Related Group (DRG).
Aniya, kanyang isinama ang DRG bilang isa sa amendmenst na inihain sa Universal Health Care (UHC) Law.
