(NI JEAN MALANUM)
ABALANG-ABALA ang Philippine Swimming, Inc. (PSI) para sa National Open na idaraos mula Agosto 31 hanggang Setyembre 3.
Ang National Open ay magiging batayan sa pagpili ng mga atleta na isasabak sa 30th Southeast Asian Games (SEAG) na gagawin dito sa bansa sa Nobyembre.
Siguradong matindi ang magiging labanan sa pagitan ng ating home-grown talents at Fil-foreigners dahil nakataya ang karangalan na mapasama sa Team Philippines.
Magtatangka muli ang national swimmers na makasungkit ng ginto na naging mailap simula pa noong 2013 Myanmar SEAG kung saan 4 bronzes lang ang nakayanan nilang kunin.
Noong 2017 Malaysia SEAG, nanalo ng 3 silvers at 4 na bronzes ang Pilipinas mula kina James Deiparine (silver, men’s 50m at 100m backstroke), Roxanne Ashley Yu (bronze, women’s 200m backstroke), at ang team nina Jasmine Alkhaldi, Nicole Marie Oliva, Nicole Meah Pamintuan at Rosalee Mina Santa Ana (bronze, women’s 4x200m freestyle).
“Our swimmers are eager to compete in the National Open because it’s a qualifying for the SEAG. The tournament is something to look forward to not only for the swimmers but also for the public because the cream of the crop in Philippine swimming are joining,” pahayag ni PSI president Lani Velasco.
Hindi nagbigay ng medal target si Velasco ngunit siniguro niya na lalaban nang husto ang mga national swimmers. Nagpapasalamat din siya sa Philippine Sports Commission sa all-out support nito sa training at competition ng mga atleta.
Sa ngayon ay tinututukang mabuti ni Velasco ang preparasyon ng torneo na tinaguriang sports rehearsal dahil sa gagamitin nito ang New Clark City Aquatics Center na competition venue ng SEAG.
Handa namang tumulong ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para maging maayos ang pagdaraos ng National Open.
117