POLICE VISIBILITY SA MGA UNIBERSIDAD AT KOLEHIYO, MASUSING PAG-ARALAN

FORWARD NOW

Magandang edukasyon at proteksyon laban sa krimen ang kailangan ng mga estudyante mula sa ating pamahalaan; huwag silang ituring na kalaban ng estado.

Ang planong paglalagay o pagdaragdag ng police visibility sa mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa ay hindi makatutulong at manapa’y makagagambala sa pagkatuto ng mga kabataan.

Ang mandato ng PNP ay labanan ang kriminalidad at tugisin ang mga gumagawa ng krimen na wala naman sa mga unibersidad at mga kolehiyo kaya hangga’t hindi lumalaban ang mga estu­dyante sa gobyerno gamit ang armas ay hindi ito maituturing na krimen.

Hindi makatwiran na pag-initan ng ating kapulisan ang mga estudyante na ang tanging nais ay matuto at makapagtapos ng pag-aaral upang maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Ang makapag-aral at matuto ay karapatan ng bawat Filipino, isang bagay na huwag nating ipagkait sa ating mga kabataan at tungkulin naman ng gobyerno na pangalagaan ang seguridad ng mga ito na makapamuhay ng tahimik upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang susunod na henerayon.

Kung tutuusin ang re­yalidad sa ngayon na ng mga estudyanteng ito ay kabilang din sa mga nagiging biktima ng masasamang loob gaya ng snatching, pandurukot, pagnanakaw at iba pang mararahas na krimen kaya ang dapat sigurong gawin ng kapulisan ay paigtingin ang pagtugis sa mga kriminal at bilisan ang pag-aresto sa mga ito upang mapanagot sa batas.

Sa kasalukuyan, patuloy na pinaiigting ng mga awtoridad ang kampanya laban sa Communist Party of the Philippines (CPP) at malawakang information drive para hindi na mahikayat pang sumali ang mga estudyante sa naturang grupo.

Ang kaparehong pananaw ni Justice Sec. Menardo Guevarra, aking da­ting propesor at nananatiling kaibigan, sa naging posisyon natin hinggil sa usapin na ito ay patunay lamang na buhay at masigla pa ang demokrasya sa ating bansa sapagkat hindi pa maituturing na krimen ang pagiging miyembro ng CPP maliban na lamang kung may paglabag sa batas ang mga ito.

oOo

Si Congressman Atty. Fidel Nograles ang kinatawan ng ikalawang distrito ng lalawigan ng Rizal. Siya rin ang Assistant Majority Leader ng House of Representatives at Vice Chairman ng Committee on Higher Education, Justice, at Indigenous Peoples. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

162

Related posts

Leave a Comment