(NI BERNARD TAGUINOD)
MAGKAKAROON ng value added tax (VAT) exemption ang lahat ng barangay officials sa buong bansa bukod sa mabibigyan ang mga ito ng discount sa hotel accommodation at maging sa pasahe.
Ito ang nakapaloob sa House Bill 2089 na iniakda ni House Deputy Speaker Raneo Abu, ng Batangas City bilang pagkilala sa serbisyo ng lahat ng mga opisyales sa mga barangay.
Nangangahulugan na hindi lamang ang mga barangay captain ang makikinabang sa panukalang ito kapag naging batas kundi ang mga barangay council members, barangay tanod at iba pang opisyales ng bawat barangay.
Sa ilalim ng nasabing panukala, kahit hindi pa senior citizens ang mga barangay officials ay hindi na sisingilin ang mga ito ng VAT sa lahat ng establisyemento, pagbili ng mga gamot, kagamitan sa kanilang kalusugan, pagkain at iba na binibili ng mga opisyales na ito.
Sa ngayon ay kasama sa binabayaran ng mga mamamayan na hindi senior citizen at people with disabilitiy (PWD) ang 12 VAT subalit nais ni Abu na ibigay ang pribilehiyong ito sa lahat ng mga barangay officials.
Maliban sa libreng VAT ay nais din ni Abu na magkaroon ng 10% ang mga barangay officials sa mga doktor professional fees, medical facilities, outpatient clinic o health home service.
Kapag nag-hotel naman ang mga ito ay bibigyan ang mga ito ng 20% discount sa kanilang hotel bill at 20% discount din sa pamasahe, hindi lamang sa mga public utility vehicles kundi sa air at sea transport.
“Barangays really have active participation in political and economic activities of our country, henceforth, we cannot just take for granted the significant role of barangays in our society,” paliwanag ni Abu kaya ihinain nito ang nasabing panukala.
205