Masasabing pride na rin natin itong si Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil nag-iisang kinatawan siya ng ating bansa sa isinagawang Fast-Track Cities 2019 Conference sa Barbican Centre sa London, England.
Tunay na isang malaking prebilehiyo na mapili bilang panelist sa High-Level Discussions on Health Inequalities kung saan aking naipagmalaki kung paano tayo magbigay ng angkop na serbisyo sa mga mamamayan kasama iyong mga stigmatized at discriminated, ani alkalde.
Nag-iisa ring Asian mayor na napiling magsalita tungkol sa drug policy reform, nakasalamuha ni Mayor Joy sina Athens Mayor Kostas Bakoyannis, Kingston Deputy Mayor Winston Ennis, Amsterdam Deputy Mayor Simone Kukenheim, Lisbon Mayor Fernando Medina, Ithaca Mayor Svante Myrick, Fulton County Chairman Robb Pitts, Kiev First Deputy Mayor Mykola Povoroznyk at Odessa Mayor Gennadiy Trukhanov.
Ang Fast-Track Cities 2019 ay pinakaunang pagtitipon-internasyunal na dinaluhan ng government officials mula sa 300 cities sa iba’t ibang bansa kung saan kanilang binalangkas ang problema at solusyon sa maraming bagay lalo na sa HIV, tuberculosis, at viral hepatitis at ito’y in-organize ng International Association of Providers of AIDS Care at ang Joint United Nations Programme on HIV/AIDS.
Navoteño Overseas Filipino Worker families
Mula noon hanggang ngayon ay sinisiguro ng administrasyon ni Navotas Mayor Toby Tiangco ang regular na suporta sa mga pamilya ng OFWs na tagalungsod kung kaya’t lagi s’yang naka-partner sa ibang sektor at ahensya tulad ng Overseas Workers Welfare Administration.
Kamakailan lang ay nakatanggap ng groceries pang-sari sari store ang 12 OFW families na nagkakahalaga ng P10,000 mula sa OWWA Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay Program na mismong pinangunahan ng alkalde at iba pang mga opisyal ng lungsod.
TUPAD program umaarangkada
Umabot sa 1,237 mahihirap na Navoteño ang nagkatrabaho sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Itinalaga ang mga TUPAD worker bilang tagawalis ng mga kalsada at tagalinis ng mga kanal.
“Mayroon tayong 57 na bombastik pumping stations na tumutulong para hindi bumaha sa ating lungsod. Pero hindi nito masisipsip ang tubig-baha kung ang mga kanal natin ay barado ng basura. Kaya kailangan namin ang tulong ninyo para mapanatiling malinis ang ating mga kalsada at walang bara ang ating mga kanal,” ani Mayor Toby. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
127