(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG matulungan ang mga mahihirap na pasyente na nagpapa-dialysis, inaprubahan na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na dagdagan ang sesyon na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Walang tumutol nang aprubahan sa House committee on health ang 9 Comprehensive Renal Replacement Therapy (RRT) bill na inihain ng mga mambabatas sa Kamara.
Sa ilalim ng nasabing panukala, magkakaroon na ng 156 hemodialysis sessions o 3 session kada linggo ang maaaring matanggap ng mga pasyente na may sakit sa kidney.
“Magiging malaking tulong itong dagdag na libreng dialysis session, as very few people can afford the cost of the treatment which is around P25,000 to P46,000,” ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, isa sa mga may akda sa nasabing panukala.
Sa kasalukuyan ay 45 sessions ng dialysis ang sinasagot ng Philhealth subalit pagkatapos nito ay sagot na ng pamilya ng pasyente ang gastos sa dialysis na umaabot sa P25,000 hanggang P46,000 kada buwan.
Nabatid na nasabing pagdinig na noong 2016 ay tinatayang 28,000 katao ang nagpapa-dialysis sa bansa dahil sa sakit sa kidney na isa sa mga top 10 na dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa Pilipinas.
Karamihan sa mga may sakit sa kidney ay mahihirap at mapapadali ang buhay ng mga ito dahil walang kakayahan ang kanilang pamilya na gastusan ang pagpapagamot.
“Sana ay maipasa na rin ng Senado ang kanilang counterpart bill para sa free dialysis para agad ng mapakinabangan ng ating mga kababayan, ” ayon pa sa mambabatas dahil mahalaga ito sa mga mahihirap na pasyente.
268