(NI ABBY MENDOZA)
HINAMON ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino na kung may katotohanan ang alegasyon na patuloy ang pagrerecyle ng nakukunpiskang illegal drugs ng mga pulis ay kilalanin at arestuhin ang mga ito.
Ayon kay Biazon ang tanong ay kung gaano kalawak ang pagre-recyle, hanggang saan at gaano kataas ang mga ranggo ng mga pulis na sangkot dito.
Kung may nalalaman umano si Aquino sa sinasabing pagrerecyle ay dapat pangunahan nito ang operasyon at hindi matigil lamang sa naging rebelasyon ang kanyang pahayag at hindi na gagawa ng hakbang para solusyunan ito.
Giit ni Biazon, may kapangyarihan ang PDEA na buwagin ang grupo ng mga pulis na sangkot sa recycling.
Una nang pinagdudahan ng Philippine National Police (PNP) ang katotohanan sa alegasyon ni Aquino, sinabi ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar na nabuwag na ang mga pulis na sangkot sa recycle ng illegal drugs at kung mayroon mang mga kasong ganito ay isolated case lamang kaya hindi tamang sabihin na ang pagre-recylce ng drugs ang dahilan kung bakit talamak pa din ang bentahan ng illegal na droga sa bansa.
Maging si Senador Bato dela Rosa na dating PNP Chief ay hinamon si Aquino na patunayan ang kanyang alegasyon sa katwirang sa nakalipas na taon ay marami nang mga tiwaling pulis ang nasibak at masasabing malinis na sa mga scalawag ang hanay ng kapulisan.
146