Pormal nang inilunsad ang AKOOFW Teleradyo na mapapanood at maririnig sa pamamagitan ng livestream sa Facebook page na AkoOFW Inc. at pati na rin sa YouTube channel na AKOOFW Teleradyo.
Araw-araw na itong mapapanood simula ika-6 ng gabi upang magkaroon ng pagkakataon ang mga OFW na makasali sa mga programang inihahatid ng mga batikan sa online broadcasting.
Layunin ng AKOOFW Teleradyo na mas lalong makinig sa himpapawid ang lahat ng mga OFW at maging ang mga pamilya nito saan mang sulpok ng mundo. Sa unang sultada ng programa ay mapapanood ang programang “Barangay OFW” kung saan ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government at ng mga barangay ay maiimbitahan upang talakayin ang mga programang makakapagsulong ng kapakanan ng mga pamilyang OFW.
Samantala ang programang “Bantay OFW” ni Ekim Canlas ang tatalakay naman sa mga suliranin ng mga OFW na nasa ibang bansa. Sa programang ito ay maaaring magsumbong o humingi ng tulong ang mga OFW na pilit na bibigyan ng lunas o solusyon ng ating himpilan.
Sa programang “Usapang OFW” ay tatalakayin ang bawat isyu na may kinalaman sa mga OFW, dating OFW at pati na rin ang mga mungkahi at saloobin ng bawat OFW at ng ahensyang may kinalaman sa kapakanan ng mga OFW at pamilya ng OFW.
Habang ang programang “Trabaho Muna” ni Marcia Gonzalez-Sadicon at ni Jed Lagman na mula sa PESO-Sta. Rosa City ay magbibigay naman ng mga oportunidad sa mga gustong makahanap ng trabaho sa Pilipinas maging sa ibayong dagat. Samantala ang “Ibida mo Kabayani” ay magbibigay ng pagkakataon sa mga OFW na naging matagumpay sa ibang bansa na maibahagi ang kanilang karanasan at mga pinagdaanan upang kanilang makamit ang tagumpay.
Ang AKOOFW Teleradyo ay isa lamang sa maraming programa ng AKOOFW Inc. upang maging daan ng bawat OFW at pamilya ng mga ito na maiparating ang kanilang saloobin maging ito ay saya o pighati. Simple lamang naman ang patakaran ng AKOOFW at ito ay ang paniniwalang “walang higit na magmamalasakit sa OFW kundi ang mga OFW at pamilya ng OFW.” (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
197