GAME THREE, INIHIRIT NG UST, ADAMSON

(NI JOSEPH BONIFACIO)

NAKAPUWERSA ng Game Three ang University of Santo Tomas Tigresses at Adamson University lady Falcons, matapos umiskor ng magkahiwalay na panalo sa Game Two ng 2019 PVL Collegiate Conference semifinals kanina sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Kapwa bumawi ang Tigresses at Lady Falcons sa kani-kanilang karibal.

Tinalo ng UST ang Ateneo, 24-26, 25-18, 25-17, 25-17. Habang nanaig ang Lady Falcons laban sa St. Benilde Lady Blazers sa dikdikang five sets, 25-12, 21-25, 25-22, 19-25, 15-11.

Una rito, ang Lady Falcons ay tinalo ng Lady Blazers sa series opener noong Lunes sa isa ring five-setter. Habang ang Ateneo ay nanaig sa apat na set.

Nanguna para sa Adamson si Trisha Genesis na may 24 points mula sa 21 attacks at three service aces at 15 excellent receptions.

Nagtulung-tulong naman ang UST troika na sina Janna Torres, Imee Hernandez at Eya Laure, para sa opensiba ng Tigresses para maitabla ang serye at makahirit ng decider.

“Last time [Game One], kami ‘yung wala sa laro e, physically present kami pero distracted lahat kami. Mentally, lahat ng instruction, actually kahit simpleng instruction lang hindi nila masunod,” pahayag ni UST head coach Kungfu Reyes.

“This time, at least nahimasmasan sila noong training nila ng nakaraan, mas relax na sila so na-identify na nila ‘yung strength namin, doon kami nag concentrate sa strength namin,” dagdag niya.

Si Torres ang namuno sa iskoring ng Tigresses. Nagsumite siya ng 14 points buhat sa kanyang 10 attacks at three kill blocks.

Habang nag-ambag naman si Hernandez ng 10 hits para sa 11 markers. At si Laure (Eya) ay may 10 points (three service aces), may 14 excellent digs at four excellent receptions.

Ang do-or-die Game Three ay gaganapin sa Linggo (Oktubre 6) sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

194

Related posts

Leave a Comment