BAWAS-BAYAD SA SLEX TOLL IGINIIT

(NI NOEL ABUEL)

IGINIIT ni Senador Grace Poe na magpatupad ng bawas-singil sa toll fee sa South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa epekto sa mabagal na daloy ng trapiko bunsod ng isinasagawang Skyway extension project.

Ayon sa senador, hindi katanggap-tanggap na malaking pera ang ibinabayad ng mga motorista sa SLEX para mapadali ang takbo ng mga ito subalit kabaligtaran naman ang nangyayari sa kasalukuyan.

“Motorists deserve to pay less for the trouble the gridlock is causing due to the extension project. Sa mala-prusisyong usad ng trapiko dahil dito, masama bang hilinging kaltasan ang toll sa mga motorista?” pag-uusisa ni Poe.

Sinabi pa nito na sa pamamagitan ng bawas toll fee ay maipakikita ng pamahalaan at ng tollway management ang sentimiyento ng mga motoristang dumaraan sa SLEX.

“Nagbabayad tayo ng toll dahil gusto natin ng mabilis na biyahe, kaya nga expressway. Pero ngayon, 28 kilometro ang ginagapang ng ating mga kababayan araw-araw,” giit ni Poe.

Una nang sinopla ni Poe si  Abraham Sales, executive director ng Toll Regulatory Board (TRB), sa pagsasabi nitong hihilingin ang tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa susunod na linggo upang makatulong na maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa SLEX.

“Bakit pa hihintayin iyong next week?  I’m sure you can call the MMDA to come now and help,” sabi ni Poe.

Sa inilabas na traffic advisory ng TRB, isinara ang Lane 3 northbound o ang outermost lane paglagpas ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa City simula pa noong Setyembre 24 dahil sa konstruksyon ng pylons sa 6-km. extension ng Skyway mual Barangay Cupang hanggang Susana Heights.

 

400

Related posts

Leave a Comment