PROTEKSYON SA MGA TESTIGO VS NINJA COPS, TITIYAKIN 

gordon12

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

NAIS makatiyak ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon na mapakikinabangan sa korte ang lahat ng mga testimonya ng mga resource person na humarap sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng ninja cops.

Ayon kay Gordon, kinausap na niya si Justice Secretary Menardo Guevarra upang irekomenda na ‘i-perpetuate’ ang testimonya ng mga tauhan ng Mexico, Pampanga Police at ilang barangay officials na tumestigo hinggil sa pagkakaaresto ng grupo ni Police Major Rodney Baloyo sa isang Korean national na si Johnson Lee na kinalaunan ay pinalitan ng ibang dayuhan.

Sa paliwanag ng senador, ang perpetuation of testimonies ay nangangahulugan na magagamit sa korte ang testimonya kahit may mangyari sa testigo.

Nais din ng senador na bigyang proteksyon o isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang mga pulis na sina Police Staff Sgt. Jerome Bugarin, Police Staff Sgt. Marlon dela Cruz at Police Staff Sgt. Jackson Mariano kasama ang iba pang opisyal ng barangay.

Sa pagharap sa pagdinig, kinumpirma ng tatlong pulis na ibang tao ang iniharap ng grupo ni Baloyo na kanilang naaresto sa raid sa Pampanga kumpara sa aktuwal nilang nasakote sa operasyon.

“Mas kailangan ng protection ang mga witnesses. And I want their testimonies perpetuated,” saad ni Gordon sa phonepatch interview sa Senate Media.

Una nang inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na sa gitna ng mga kaganapan sa isyu, nanganganib hindi lamang ang mga tumestigong pulis kundi maging ang mga tinukoy na ninja cops.

“Anything can happen. They can easily hire guns for hire. They have the money and the contacts,” saad ni Magalong.

Gayunman, sinabi ni Gordon na mas dapat protektahan ang mga testigo kaysa mga ninja cops na kaya namang pangalagaan ang kanilang mga sarili.

 

300

Related posts

Leave a Comment