(Ikatlong bahagi)
ANG bilis o bagal ng daloy ng buhay ng mga Pinoy ay pwede ring masalamin ng ating hari ng kalsada – ang jeep. Pero siyempre, ang daloy na ito ay naapektuhan din kahit papaano ng ilang salik gaya ng lugar o konteksto, pati na rin ng panahon.
Sa mga mananakay na nasa urban areas, mabilis ang pagdating at pag-alis ng mga jeep sa lansangan. Kaya’t kung babagal sa umaga at ‘di naabutan si manong driver na nakaparada sa kanto, huwag mag-alala at maya-maya ay malamang may darating pang isa.
Kumpara sa ibang moda ng transportasyon na medyo madalang, hindi gaanong iindahin kung nilampasan ka ng paparating na jeep na sinubukang parahin.
Kung sa ilang probinsiya naman na mas mabagal ang takbo ng buhay at malamang ay bilang din ang mga jeep na pumapasada sa mga kalsada, kailangang matutong makasabay sa tiyempo ng biyahe.
Minsan kasi, maaaring isang beses lang papayao ang jeep sa bayan sa umaga at aantayin ang mga parehong sakay sa umaga para ihatid sa tanghali o bandang hapon na sa pinanggalingan din. Kung hindi nakaabot sa umaga, medyo matagal ang tsansang aantayin – kinabukasan na o sa kamakalawa na.
Kung tutuusin, maaaring masalamin sa daloy ng mga jeep ang ritmo ng buhay at kultura ng mga Filipino. Sa mga siksikang siyudad, kailangang singbilis din ang kilos ng mga rumaragasang jeep para tama lang ang mga dating sa paroroonan. Kung sa mga kanayunan, kalmado lang ang daloy ng galaw ng parehong sumasakay at sinasakyan.
Natutunan tuloy natin ang pagiging relaks lang minsan kahit nalalagpasan tayo ng mga biyahe. Dahil kampante tayo na mamaya lang ay may darating pa naman. Sa probinsiya naman, natututunan ang sobrang pasensiya habang nag-aantay sa oras ng pagdating o pagbalik ng jeepney. O kaya ay sa pag-aantay ng panibagong araw na darating ang hari ng kalsada.
At nabuhay ang marami sa atin na umaasa na mamaya lang, makakasakay na. O, ang kultura ng mamaya na.
Sa pagbabago ng mukha ng jeep, inaasahan na pati nakagawiang kultura na ito ay maaari na ring unti-unting magbago. Matagal man o mabilis, ‘di natin masasabi, pero ito ay tiyak na darating. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
319