PAGKAKAIBIGAN

FOR THE FLAG

Totoong kaaway ng bansa ang Tsina kung ang pag-uusapan ay ang mga ginagawang reclamation ng dambuhalang bansa sa West Philippine Sea at pangha-harass nito sa mga Filipinong mangi-ngisda, ngunit dapat ding ikonsidera ng bansa na pinaglumaan na ng panahon ang digmaan bilang kasagutan sa mga suliranin ng sibilisasyon.

Nagmimistulang batang naghahanap ng kaaway ang Tsina sa parteng ito ng daigdig, samantalang ang Estados Unidos naman ay nagmimistulang tinedyer na handang pumatol sa pagmamaktol ng Tsina. Nasa gitna ang Pilipinas ng dalawang nag-uumpugang bato, mas makabubuting mag-ala-Bernardo Carpio ang bansa gamit ang lakas ng diplomasya at hindi ng bala.

Kaysa nagpapasikat ang bansa sa pamimili ng mga sinaunang mga gamit pangdigmaan mula sa iba’t ibang bansa na nagmumukha lamang naman tayong katawa-tawa, mas mainam ngang pakikipagkaibigan na lamang ang tutukan.

Masarap namang makipagkaibigan na lamang sa Tsina, libu-libong Filipino naman din ang nagsisipaghanapbuhay sa higanteng bansa at nakakatulong sa kani-kanilang pamilya rito at sa pambansang ekonomiya.

Masarap maging matapang, ngunit mas masarap maging mapagkaibigan at manatiling buhay.

Kaysa pataasin pa natin ang tensyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas at sa pagitan ng US at Tsina, ay magpakadalubhasa na lamang tayo sa pakikipagkaibigan. Kapag nagdigmaan ‘yang dalawang bansang ‘yan e siguradong damay tayo. Hindi tayo handa sa ganyang senaryo. Mas gusto ng mga Filipino at Filipina ang mag-selfie kaysa makipagbakbakan sa isang giyerang hindi sila ang may gawa.

Unawain natin ang Tsina, na ang dahilan ng kanilang pagiging agresibo sa mga teritoryong pinagtatalunan ay bunga ng lumalaki nitong ekonomiya. Dahil sa lumalaki ito e mas lumalaki ang gutom nito. Pero hindi naman dapat isakripisyo nito ang kapayapaan dahil lamang sa langis o kayamanan. Dapat isaalang-alang nito na may mga international law na dapat sundin at hindi kinakailangang mag-asal bata na basta na lamang mananakmal ng kendi.

Dapat kapayapaan, peace man! (For the Flag / ED CORDEVILLA)

247

Related posts

Leave a Comment