KONTRATA NG MANILA WATER, MAYNILAD IPAREREPASO KAY PDU30 

DUTERTE66

(NI NOEL ABUEL)

IPINAREREPASO ng isang senador kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kontratang pinasok ng dalawang water concessionaires na Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. dahil sa sinasapit na kahirapan ng taumbayan sa supply ng tubig.

Sinabi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na hihilingin nito kay Pangulong Duterte na i-review ang kontrata ng mga nasabing water supplier dahil sa hindi ito pumapabor sa mga consumers.

“Yes dapat ipa-review ng Pangulo. I will suggest to the President na i-review ‘yung kontrata na hindi po pabor sa taumbayan,” sabi ni Go.

Tiwala ito na aaksyon ang Pangulo lalo na at nagalit ito dahil sa sinasabing water shortage na dinaranas ng maraming Filipino.

“Nagalit ang Pangulo, binuksan naman nila, merong tubig. Hindi ako naniniwala sa mga shortage na ‘yan,” sabi pa nito.

Giit pa ng senador, dapat na isipin ng mga water concessionaires na obligasyon nito na sundin ang kontratang pinasok na bibigyan ng maayos na supply ng tubig ang mga consumers at hindi para pahirapan.

“Huwag ninyo pong ipasa ‘yung burden sa taumbayan. Pumasok po kayo diyan sa negosyong ‘yan, sagutin ninyo po. Huwag po kayong pumirma ng kontrata na hindi ninyo kayang i-comply ‘yung pagsu-supply ng tubig,” dagdag pa ni Go.

414

Related posts

Leave a Comment