(NI DANG SAMSON-GARCIA)
MATAPOS ibunyag na wala siyang nakitang pork insertion sa proposed 2020 national budget, inihayag ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na nasa P20 bilyon ang hindi malinaw sa detalye ng paggugugulan nito.
Sinabi ni Lacson na nagmula pa sa National Expenditure Program (NEP) ang kwestyonableng alokasyon at hindi ginalaw sa inaprubahang bersyon ng Kamara.
Isa sa inihalimbawa ni Lacson ay ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa repair ng Kennon Road na hindi nakalagay kung saang bahagi ng kalsada.
“That’s more or less ‘di exact P20B, I think it’s more than P20B. Sa DPWH alone lalampas P10B, mga P14B. For example Kennon Road P507M and another P70M which is okay kasi nakadescribe anong gagawin. Ang tanong doon, remember I questioned some projects in Sorsogon na may overlapping ng several linear meters kasi may major item, meron pang mini item. Baka mamaya mag-overlap ang P70-plus million na stationing na naka-describe pagkatapos may P507M baka mag-overlap,” paliwanag ni Lacson.
“The problem is when I asked DPWH ang na-save dahil sa overlapping dahil ‘di na kailangan gawin nagawa na ng isang contractor, hindi naman binalik. So hindi savings for the country. Naging savings ng whoever. Yan ang problema. And waste ito ng public funds,” diin pa nito.
Tulad din sa deliberasyon ng 2019 budget, napansin din ni Lacson na may pondong inilaan para sa Assistance to Local Government (ALGU) na nasa ilalim ng Department of Budget and Management.
“Sa budget call, DILG ang nag-de-defend. Pero ang ALGU, medyo unique ito because there are 5 items na ang iba, under DILG pero ang iba under DBM. And DBM as we know is not an implementing agency. Bakit magkakaroon ng P4B naka-lodge sa SPF under the care of DBM and another P2.5B described as Assistance to Cities na nasa DBM din?” giit ni Lacson.
Lilinawin anya nito ang lahat ng napansing kahina-hinala sa pondo sa pagharap sa kanila ng DBM, Department of Finance at economic managers.
Aminado naman si Lacson na may posibilidad na kapusin sila ng panahon sa pagbusisi sa panukalang budget subalit sisikaping maipasa bago ang Christmas break.
“The earliest the sponsor can report it out on the floor is Nov 11. So give or take Nov 11 pag nag-tackle kami we must be able to approve the Senate version by first week December para magkaroon ng bicameral conference committee give or take 1 week, and the last 3 days of the session, Dec 16-18 we can ratify,” saad ni Lacson.
“So medyo tight ang schedule. So medyo nakaka-worry rin na baka hindi umabot before we go on adjournment Dec 18. Either magkakaroon ng special session or worse baka mag-reenact,” dagdag pa nito.
153