Kung hindi pa nag-surprise inspection si Manila Mayor Isko Moreno sa Binondo noong Lunes ng madaling araw, hindi nito madidiskubre kung gaano karaming basura ang iniiwan ng mga street vendor sa Ilaya Street, malapit sa panulukan ng Recto Avenue.
Napanood natin ang Facebook live ni Mayor Isko at bakas sa kanyang mukha ang pagkadismaya sa nakitang mga pinagtabasan ng gulay at mga plastic na pambalot na nagkalat sa Ilaya Street kung saan pinayagan ang night market.
Makikita pa ang ilang vendor na nagliligpit ng kanilang mga paninda pero walang pakialam sa mga nagkalat na basura sa kabila ng tagubilin sa kanila ng Manila City Hall na linisin ang kanilang paligid alinsunod sa Ordinance No. 8572 na kilala sa tawag na “Tapat ko, Linis ko.”
Tama ang naging desisyon ni Mayor Isko na kaagad na ipinagbawal ang night market sa Ilaya Street. Bawal na ring maglagay ng stalls sa kahabaan ng Ilaya Street sa Binondo.
Ito ang pahayag ni Mayor Isko: “Tatanggalin natin sila. Mamaya, ‘di na sila pwedeng magtinda. Kung ganyan lang din naman ang iiwan sa ’tin araw-araw, tigil na silang lahat. Kasi, dadaan ‘yung mga papasok sa trabaho, papasok sa eskwela tapos makikita nila, puro basura. Hindi naman po tama ‘yun.”
Binigyang diin din ni Mayor Isko na bawal pa ring magtinda sa bangketa at sa kalsada sa kahabaan ng Juan Luna St. sa Binondo at sa Tondo, Soler Street at sa kahabaan ng Recto Avenue, partikular sa mga kalye ng Asuncion at Abad Santos.
Nilinaw din ng alkalde na hindi niya papayagang bumalik ang mga sidewalk at street vendor sa Divisoria kahit pa sa panahon ng Kapaskuhan dahil mas prayoridad ng City Hall ang kapakanan ng mas nakararaming pedestrian at commuter.
Hindi puwedeng akusahan si Mayor Isko ng pagiging anti-poor dahil pinagbigyan na niya ang vendors na makapagtinda sa gabi pero tumpok pa ng basura ang isinukli nila sa kabutihang loob ng alkalde.
Lalong hindi dahilan ang pagiging mahirap para hindi maglinis ng paligid at alisin ang mga nakakalat na basura dahil ang kalinisan ay tanda ng pagiging disiplinado at mabuting asal.
Batid ni Mayor Isko na may ilang mga opisyal ng barangay at Manila Police Department ang nakikipagsabwatan sa mga tinatawag na “organizer” ng mga vendor kapalit ng payola para hindi sitahin ang ginagawang pambababoy ng mga vendor sa mga kalsada.
Sabi nga ni Mayor Isko sa flag ceremony sa City Hall: “Sa mga nanonood na organizer, isauli n’yo na ‘yung perang in-advance ninyo sa vendor. Dahil kayo nagpapaputok, binalihan n’yo ang mga vendor.”
Kung mapapanatili ni Mayor Isko ang kalinisan sa mga lansangan sa paligid ng Divisoria sa bahagi ng Binondo at Tondo, malaking tagumpay na ito sa kanyang kampanya na magkaroon ng disiplina sa Maynila sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kailangan lang na isustine ang kanyang kampanya ng kaayusan sa mga lansangan at dapat lang na patuloy ang pag-alis ng mga traffic obstruction sa mga pangunahing lansangan sa Maynila kabilang na ang mga nakabalandrang jeepney at tricycle sa kahabaan ng G. Tuazon sa may Blumentritt sa Balic-Balic sa Sampaloc.
Kung maisasaayos ni Mayor Isko ang Maynila sa kanyang unang termino, siguradong may mararating siya na mas mataas na posisyon sa gobyerno pagdating ng 2022. Abangan… (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
164