(NI NOEL ABUEL)
KINUWESTIYON ni Senador Bong Revilla kung bakit patuloy na binabalewala ng ilang ospital ang utos ng Korte Suprema na itaas ang suweldo ng mga nurses sa bansa na naaayon sa R.A. 9173 o ang “Philippine Nursing Act of 2002”.
Sa gitna ng deliberasyon sa hinihinging pondo ng Department of Health (DOH), nagtanong si Revilla kung bakit hindi nakapaloob dito ang RA 9173 na nagsasaad na ang base pay ng mga nurse sa public sector ay nasa Salary Grade 15.
Paliwanag ni Revilla, mahalaga na masigurong naipapatupad ang utos ng SC upang mapigilan pang umalis ng bansa ang mga nurses.
Base sa datos ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA), mahigit sa 19,000 nurses ang umaalis ng Pilipinas kada taon dahil sa mababang pasahod sa bansa.
Ilan sa mga bansang tinutungo ng mga Pinoy nurses ang United States, United Kingdom, Canada at New Zealand kung saan kumikita ang mga ito ng katumbas ng 10 beses at higit pa kung ikukumpara sa suweldo nito sa Pilipinas.
“Dapat sundin natin at dapat po maisama natin ito sa budget dahil Korte Suprema na mismo ang nag-utos nito,” sabi pa ni Revilla.
Sa ilalim ng R.A. 9173, ang minimum base pay ng mga entry-level public nurses ay P30,531 (SG 15), na malayo sa P9,777 mula sa kanilang current take home pay na P20,754 (SG 11) habang ang mga Nurse II ay tatanggap ng P33,584 o SG 16.
460