(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI maglalaan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng kahit isang sentimo para pambayad sa Manila Water at Maynilad.
Ito ang tiniyak ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin kasunod ng ipinanalong kaso ng dalawang water concessionaires sa Singapore Arbitration Tribunal na kailangan silang bayaran ng halos P11 Billion dahil hindi sila pinayagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magtaas ng singil mula noong 2015 hanggang 2017.
“Congress has the power of the purse. Not a single centavo of public funds will go to Manila Water and Maynilad for that arbitration decision without Congress approval,” pahayag ni Garbin.
Umaabot sa P7.4 Billion ang ipinababayad ng Singapore Arbitration Tribunal sa MWSS sa Manila Water habang P3.4 Billion naman sa Maynilad.
Hindi umano makatarungan para sa sambayanang Filipino na magbayad ang gobyerno para lang hindi mabawasan ang kita ng mga water concessionaires na ito.
Maliban dito, hindi umano dapat bayaran ang mga kumpanyang ito dahil hindi maayos ang kanilang serbisyo tulad ng pagkawala ng supply ng tubig gayung nakasaad sa kontrata na hindi dapat maputol ang kanilang serbisyo.
“Kung itong perang pinagtatalunan ay para lang sa kita ng pribadong kumpanya at hindi para sa mapagtuunan ng pansin ang krisis sa tubig, ano pang silbi nila sa sambayanang Pilipino?”ayon pa kay Garbin.
Gagamitin na lamang aniya ang perang ito para sa pagpapatayo ng maraming silid aralan upang maresolba na ang siksikan sa mga public schools.
388