(NI BERNARD TAGUINOD)
MATAPOS pangalanan ng Philippine National Police (PNP) na pangunahing suspek sa pagpatay kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe at police escort nito na si SPO1 Orlando Diaz, agad na hiniling ng mga mambabatas sa Kamara na maglabas ang Department of Justice (DoJ) ng hold departure order (HDO) laban kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
“I make this urgent appeal to the Department of Justice to place the incumbent Mayor of Daraga in the immigration hold departure list,” ani Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr.
Ayon sa mambabatas, hindi puwedeng makalabas ng bansa si Baldo at kailangang niyang harapin ang mga kasong isinampa sa kanya tulad ng murder at frustrated murder.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos lumabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na ang mga pumatay kina Batocabe at Diaz ay mga confidential employees umano ng tanggapan ni Mayor Baldo.
“I congratulate the PNP on the speed and thoroughness of its investigation into the assassination of AKO BICOL Party-list Rep. Rodel Batocabe and his police escort,” ani Datol.
Sa panig naman ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo, hiniling nito sa PNP at Department of Interior and Local Government (DILG) na maghain na ng petisyon sa Commission on Election (Comelec) para mailagay sa Comelec control ang Daraga Albay.
“While the incumbent mayor, in the eyes of the law, is innocent until proven otherwise, Comelec must be persuaded to exercise abundance of caution and consider the integrity of the local Daraga elections,” ani Salo.
Kinondena rin ng mambabatas ang paggamit ng dahas ng ilang pulitko para lang masiguro ang kanilang panalo sa susunod na eleksyon at ang mga ganitong uri umano ng public servant at walang karapatang maglingkod sa bayan.
347