(NI BERNARD TAGUINOD)
MALAKI ang paniniwala ni Maguindanao Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu na makakamit na ng mga ito at pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, ang katarungan matapos ang 10 taon.
Ginawa ni Mangudadatu ang pahayag kasunod ng pagbasa sa sentensya sa mga suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa 58 katao, kabilang na ang ilan sa mahal nito sa buhay at 38 kagawad ng media.
Inaabangan, hindi lamang ng mga Filipino kundi ng international community, ang promulgation sa nasabing krimen na nag-ugat sa pulitika kung saan pangunahing salarin ang pamilyang Ampatuan sa pangunguna ng mag-aamang sina Andal Ampatuan Jr., Andal Sr., Zaldy Ampatua at iba pa.
“We have been patiently waiting for the verdict. It has been 10 long, debilitating years but we remain optimistic that justice will be ours,” ani Mangudadatu kaugnay ng promulgasyon. Magugunita na patungo sa Commission on Election (Comelec) office ang asawa at iba pang kaanak ni Mangudadatu upang ihain ang kanyang certificate of candicacy (COC) noong Nobyembre 23, 2009 kung saan kinober ito ng mga kagawad ng Media nang harangin ang mga ito ng grupo ni Andal Jr., at walang awang pinagpapatay.
Magkalaban sana sina Mangudadatu at Andal Jr., sa gubernatorial race sa Maguindanao subalit mistulang ayaw ng huli na may makalaban sa nasabing probinsya na matagal nilang hinahawak at pinagpasapasahan ng kanilang pamilya ang pamumuno.
Matapos ang 10 taong pagdinig, natatanaw na umano ng mga kaanak ng mga biktima ang katarungan.
“Hindi madali para sa aming mga nawalan ng mahal sa buhay ang maghintay ng ganito katagal. At some point, some of us have lost faith that we will ever see justice. But God has been good in making us realize that the wait will be all worth it,” ayon pa kay Mangudadatu.
434