(NI DONDON DINOY)
MALALAG, Davao del Sur- Matutuloy na ngayong araw ng Biyernes, ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte dito sa naturang bayan at kalapit na bayan ng Padada, Davao del Sur.
Kinansela ni Duterte ang itinakdang pagbisita kahapon, Huwebes, Enero 2, dahil ayon sa tagapagsalita nito ay masama ang pakiramdam ng Pangulo.
Unang sinabi ni Secretary Salvador Panelo sa mga mamamahayag sa Maynila na “not feeling well” si Duterte at “ordinary” lamang ito sa isang 74-anyos.
“Masama lang siguro pakiramdam eh ordinary lang yon… Ano lang iyon, ordinaryong masamang pakiramdam ng isang 74 years old,” ayon kay Panelo.
Hindi ito ang unang beses na kinansela ni Duterte ang kanyang public engagements dahil sa health issues.
Inamin din noon ng Pangulo na nakararanas siya ng muscle spasms matapos maaksidente sa motorsiklo noong nakaraang taon.
Una rin nitong inamin na mayroon siyang myasthenia gravis, isang chronic autoimmune neuromuscular disease at Buerger’s disease, dahil sa paninigarilyo noong kabataan nito.
Ngunit, ayon sa Media Relations Office (MARO), matutuloy na ngayong araw ang pagbisita ng Pangulo sa dalawang bayan sa Davao del Sur na unang schedule nito sa taong 2020.
Nakatakdang mamigay ang Pangulo ng P5-milyong financial assistance para sa 1,500 indibidwal na biktima ng lindol sa bayan ng Malalag.
Pupunta rin si Duterte sa bayan ng Padada, upang bisitahin ang nasa 1,000 biktima ng lindol.
Maliban sa financial assistance, mamimigay din ng family food ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na pangunahan ni Secretary Rolando Bautista.
169