(ni JO CALIM)
UMABOT sa labindalawang (12) porsiyento ang itinaas ng koleksyon ng Bureau of Customs (BoC) para sa taong 2019 kumpara sa nalikom nito noong dalawang magkasunod na nakaraang taon (2017 at 2018).
Umabot sa P670 bilyon ang target collection ng BoC noong 2019 na 12% na mas mataas sa P598 bilyon noong 2018 at nakalikom ang BoC sa kanilang target collection ng P481 bilyon noong 2017.
Sa isinagawang panel discussion ng Tax Management Association of the Philippines-general membership meeting kamakailan, sinabi ni BoC Deputy Commissioner Edward Dy Buco na malaki ang itinaas ng kanilang koleksyon na bilyon ang inabot.
“The targets at present were also high because of the ‘Build, Build, Build’ program of the President,” paliwanag ni Dy Buco.
Ayon pa rito, nagsimulang gumanda at lumaki ang kanilang koleksyon matapos nilang ipatupad ang “one-strike policy” noong Oktubre 2017 kung saan bukod sa nakatulong at naging epektibo sa pagsawata ng katiwalian sa ahensiya.
“Kapag may beripikadong ulat na may BOC official na sangkot sa katiwalian ay kaagad na kinakasuhan at inaalisan ng puwesto kaya’t marami ang natakot at naging matino sa kanilang trabaho,” ayon pa kay Dy-Buco.
Isa pang dahilan anang opisyal sa pagtaas ng kanilang koleksyon ay ang pagdadagdag ng CCTV at x-ray machines sa labing pitong (17) ports para maiwasan ang korapsyon.
Samantala, sa ulat ng Bureau of the Treasury kamakailan, tumaas ng 27 porsiyento ang revenue target ng BoC na tinatayang P51.1 bilyon noong Setyembre 2019 sa loob lang ng walong magkakasunod na buwan.
188