DAMAY TAYO SA GIRIAN NG US-IRAN

DPA

HINDI maiiwasang madamay tayo sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran kaya dapat paghandaan ito ng ating ­gobyerno upang maibsan kahit papaano ang impact nito sa ating bansa.

Dahil may military agreement ang Amerika at Pilipinas na magtutulungan sa panahon ng giyera, walang magagawa ang ating gobyerno kundi tumulong sa nasabing bansa kapag pumasok sila sa giyera.

Nangyari na ‘yan noong panahon ng Vietnam war, Korean Peninsula war at noong Iraq war kaya kung magkakagiyera sa pagitan ng Amerika at Iran, tutupad at tutupad tayo sa kasunduang ito.

Hindi puwedeng hindi susunod ang Pilipinas sa kasunduan kahit galit si Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerika dahil sa pakikialam nila sa ating bansa dahil ang kasunduan ay kasunduan.

Pagdating sa ekonomiya, doble ang magiging tama nito sa ating mga Filipino kung hindi ito paghahandaan ng gobyerno  lalo na’t galing sa Gitnang Silangan ang supply ng langis.

Tiyak na magsasamantala ang oil companies para pagkakitaan ang situwasyong ito sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal na merkado.

Noon ngang binomba ang langisan sa Saudi Arabia ay agad na nagtaas ang oil companies ng kanilang presyo, ano pa kaya kung tuluyan nang sisiklab ang gulo sa pagitan ng dalawang bansang ito?

Ngayon pa lamang ay dapat magbantay na ang Department of Energy (DOE) at abatan ang anumang pagsasamantala ng oil companies dahil hindi lang ang mga motorista ang tatamaan dito kundi maging ang consumers.

Kapag tumataas kasi ang presyo ng langis, otomatikong nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo kaya walang ibang magdudusa dito kundi ang mga karaniwang tao.

Malaking epekto din sa ekonomiya kapag tuluyang madiskaril ang hanapbuhay ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan kapag tuluyang nagkagulo.

Mantakin mo ang remittances na mawawala kung mawawalan ng hanapbuhay ang may 1.2 million OFWs sa Gitnang Silangan kapag nagkagulo at kailangang iuwi ang mga ito para hindi madamay.

Pero habang naghahanda ang gobyerno dapat nating sabayan ng dasal na sana ay hindi lumala ang tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran dahil sa ayaw at sa gusto natin ay damay tayo. (DPA / Bernard Taguinod)

162

Related posts

Leave a Comment