Inilahad na datos sinalungat ng PNP
(Nina JESSE KABEL at BERNARD TAGUINOD)
MAITUTURING na ‘kuryente’ ang impormasyon na isiniwalat ni Vice President Leni Robredo kamakalawa hinggil sa war on drugs ng pamahalaan matapos itong salungatin ng Philippine National Police (PNP).
Kasabay nito ay inamin ni PNP Officer in charge Archie Gamboa na lubha silang nasaktan sa pahayag ni Robredo na nabigo ang pamahalaan sa kanilang war on drugs.
Kinuwestyon din ni Gamboa ang hawak na datos ni Robredo.
“With all due respect, I beg to disagree with the public relations bombshell of VP Robredo on the national anti-drug campaign as a “massive failure”. Whether her numbers are merely an estimate or the exact value, in any case, the figure derived is totally wrong.”
Salungat aniya sa datos ng PNP ang datos na nakalap ni Robredo sa 18 araw na panunungkulan nito bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.
Himutok ng pinuno ng PNP, sa deklarasyon ni Robredo ay tila nabalewala ang 55 pulis na nag-alay ng kanilang buhay sa pagsisikap na masupil ang suliranin sa droga.
“It would be the height of disrespect to say that they died a useless death because they failed to stop the drug problem”, ayon pa sa opisyal.
“It cannot be a massive failure when an estimated 5.1 tons of shabu, 2.2 tons of marijuana, 500 kgs of cocaine and 42,473 ecstacy pills, all estimated by DDB to be worth P40.39-billion had been taken off the streets,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi pa ni Gamboa na ang suliranin sa droga ay palihim na operasyon na hindi masusukat nang wasto ng mga awtoridad, sa halip, ang magagawa lamang ay mga pagtataya base sa resulta ng anti-drug operation.
NAGBULAG-BULAGAN
Mistulang “nagbubulag-bulagan” si Robredo sa tagumpay ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa isang panayam.
Aniya, ramdam na ramdam umano ng mga ordinaryong mamamayan ang tagumpay ng war on drugs dahil maraming komunidad ang tumahimik.
“Dun sa nakikita ko sa mga komunidad at barangay nawala na ang mga pusher at marami talaga ang takot,” pahayag ni Defensor, subalit tila hindi ito nakita ng pangalawang pangulo.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos sabihin ni Robredo na “failed” o bigo ang war on drugs dahil isang porsyento lamang sa total supply ng droga ang nakukumpiska ng mga otoridad.
Sinabi naman ni Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan na dapat maging hamon ngayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang report ni Robredo na isang porsyento lamang ng droga ang nakukumpiska ng mga ito.
“This is an underwhelming result especially given that eradication of drugs has been the central policy of the administration,” ani Cabochan, kaya dapat lalong pag-igihin aniya ng mga otoridad lalo na ng PDEA ang kanilang kampanya.
114