GOV’T OFFICIAL NA NAGSAMA NG MISTER SA SEMINAR, SINUSPINDE

MINDA-2

NAHAHARAP ngayon sa 90-araw na suspensyon ang isang opisyal ng Mindanao Development Authority (MinDA) dahil umano sa pagbitbit ng kanyang asawa sa isang seminar, gamit ang pondo ng gobyerno.

Sa apat na pahinang resolusyon ng Sandiganbayan, hindi muna pinapayagan si MinDA Finance and Administrative Services director Charlita Andales Escano na gawin ang tungkulin nito habang isinasagawa ang imbestigasyon sa reklamo laban sa kanya.

“Verily, the conditions for preventive suspension have been satisfied and the Court is duty-bound to issue the order of suspension against accused as a matter of course. Wherefore, premises considered, accused Charlita Andales Escano is hereby suspended pendente lite, as Director IV, Office of Finance and Administrative Services, MinDA, and from any other public positions she may now or hereafter hold, for a period of 90 days from receipt of this Resolution,” ayon sa resolusyon.

Una nang kinasuhan si Escano ng Office of the Ombudsman ng paglabag sa Section 3e ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act noong Hulyo 11, 2018 nang isama nito ang mister na si Alan sa Basic Occupational Safety and Health Course para sa mga Construction Site officer na ginaganap noong Marso, 2015 gayung hindi naman ito kawani ng ahensya.

Inaakusa ng Ombudsman na ginamit ni Escano ang pondo ng pamahalaan para bayaran ang P6,000 registration fee ng asawa nito bilang delegado sa safety and health course.

Ipinadala na ng Sandiganbayan ang kopya ng suspension order laban kay Escano sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang maipatupad ito. (JG TUMBADO)

128

Related posts

Leave a Comment