CAYETANO, DRILON PUMAPEL?

MAYNILAD-MANILA WATER-3

Kita ng Maynilad, Manila Water tiniyak sa water deal

(Ni: NELSON S. BADILLA)

LUMUTANG ang posibilidad na may kinalaman sina Senador Franklin Drilon at dating presidential legal adviser Renato “Rene” Cayetano sa palpak na kontrata sa mga water concessionaire.

Ito ay base sa mga nakalap na impormasyon ng Saksi Ngayon.

Ngayon ay pinabago na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrata ng pamahalaan sa Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. upang matanggal ang mga probisyong “onerous” sa kontrata na nagbigay ng kapangyarihan sa dalawang kumpanya na kumabig nang kumabig ng malaking tubo sa loob ng 25 taon.

Ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) ang inatasan ni Duterte na magbago sa kontrata.

Sabi ni Duterte, ipinabago niya ang kontrata upang matanggal ang mga probisyong talo ang pamahalaan at ginagawang ‘gatasan’ lamang ng Manila Water at Maynilad.

Hindi pa isinasapubliko ng pangulo ang laman ng kontrata upang malaman kung totoong pabor na pabor ito sa interes at kagalingan ng gobyerno at publiko.

Ngunit, kahit pa mayroon nang inaalok ang pamahalaan na nirebisang kontrata, hindi humihinto si Duterte sa pagtugis sa mga taong malaki ang papel sa pagbalangkas ng kontrata noong 1997.

Isa si Senador Franklin Drilon sa ‘pangunahing suspek’ ni Duterte sa kontra-mamamayang kontrata, dahil kabilang siya sa pamosong Angara, Abello, Concepcion, Regala & Cruz Law Offices (ACCRA Law).

Sabi ni Duterte kamakailan, “That contract was approved by lawyers now in government. I hope Drilon is not one of them. Kasi, when I decide to — idedemanda ko talaga. I will file the charges of — it’s either plunder or syndicated estafa.”

Noong isang buwan, binira ng pangulo si Drilon nang paghinalaan niyang mayroong kinalaman ang senador mula IloIlo matapos nitong sabihin na hindi puwedeng baguhin ang kontrata, sapagkat bilyun-bilyon ang babayaran ng pamahalaan sa Manila Water at Maynilad.

Tahasang itinanggi ni Drilon na isa siya sa mga abogadong nagbalangkas ng kontrata ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Sa pagsisiyasat ng Saksi Ngayon, napag-alamang posibleng malaki ang papel ni Cayetano bilang chief presidential legal adviser ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Si Ramos ang pangulo ng bansa nang isapribado ang distribyusyon ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan noong 1997.

Posibleng kinonsulta at kinuha ni Ramos ang opinyong legal ni Cayetano bago maging pinal ang kontrata ng MWSS sa Manila Water at Maynilad.

Si Cayetano ay ama nina House Speaker Alan Peter Cayetano, Senadora Pia Cayetano at Taguig City Mayor Lino Cayetano.

Mula nang sumiklab ang kontrobersiya sa Manila Water at Maynilad ay hindi pa naglabas ng pahayag ang magkakapatid na Cayetano ukol sa kontra-mamamayang kontrata.

Sa pagsasaliksik ng Saksi Ngayon, nabatid na tiniyak sa kontrata na hindi malulugi ang pamilya Ayala at pamilya Lopez.

205

Related posts

Leave a Comment