‘WAG MAGING KAMPANTE SA PANANAHIMIK NG TAAL – PHIVOLCS

PHIVOLCS

ITO ang babala kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mamamayan kaugnay sa  pananahimik ng Bulkang Taal.

Inihayag ng Philvocs na nagpakita ng bahagyang pagkalma ang nag-aalborotong Bulkang Taal ngunit nanatiling mataas ang posibilidad ng isang malakas na pagsabog kaya nagbabala ang nasabing tanggapan na huwag munang magpabalik ang evacuees.

“We are analyzing what this seeming calm of the volcano means,” ani Maria Antonia Bornas, chief science research specialist ng Phivolcs.

Samantala, patuloy na pinag-aaralan ng Philvocs ang mga pahiwatig sa likod nang pagkatuyo ng tubig sa lawa.

Isa sa nakikitang dahilan ng ahensiya na maaring patuloy pa rin ang pagtaas ng magma na siya ring dahilan ng maraming bitak na nadidiskubre sa mga bayan na nasa paligid ng Taal Lake.

“Lull in activity at Taal could both point to waning activity or a resting phase before a fresh cycle of explosive activity,” babala pa ng Phivolcs.

“The lull is either a good or a bad thing. Kasi kung derederetso ‘yan, good ‘yan. Pwede tayo mag-stand down,” ayon pa sa opisyal.

“Pero kung medyo mahaba ‘yan at ito ay resting phase lang sa bulkan para pumasok sa bagong cycle ng explosive activity, napakahirap sa ating mga kababayan n’yan,” pahayag pa ni Bornas.

Nababahala ang nasabing ahensiya sa paggiit ng mga residente na makabalik na sa kanilang mga bahay dahil sa nararamdamang pananahimik ng bulkan.

Bagama’t aminado ang Philvocs na pinag-aaralan din nila kung kailangang ibaba na ang alert level.

Mariing nilinaw ni Phivolcs Director Renato Solidum, hindi maaring pagbasehan ang nakikitang pananahimik ng bulkan o ihambing ang pagiging kalmado sa bunganga ng bulkan sa nagaganap na aktibidad sa ilalim nito.

Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang isinasagawang ground validation ng mga tauhan ng Phivolcs sa Pansipit River at ilang bahagi ng Taal Volcano na nakitaan nang pagbaba ng level ng tubig, habang may ibang area na tuluyang natuyo.

Ayon kay Solidum, sa pamamagitan ng pagsusuri, masasabi umano nila kung anong maaaring maging epekto nito.

Kasabay nang pagkatuyo ng crater at ilog, dumami pa ang bitak sa paligid ng bulkan.

Kaya naman, sinabi ni Bornas, na manatiling alerto ang publiko dahil nakaamba pa rin ang panganib. (JESSE KABEL)

168

Related posts

Leave a Comment