2 BARANGAY SA DAVAO KONTAMINADO SA ASF  

DAVAO CITY – Kinumpirma ng Department of Agriculture-XI na dalawang barangay sa bayan ng Sulop, Davao del Sur ang nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) noong Miyerkoles.

Ayon kay Ricardo Oñate, DA-11 regional director, base sa ginawang pagsusuri sa blood samples mula sa mga Barangay Palili at Laperas sa bayan ng Sulop, ay kontaminado ng ASF virus ang nasabing mga lugar.

Noong Lunes, isinagawa ng provincial veterinary office ang lockdown sa Barangay Solongvale, Palili at Laperas sa Sulop, at sa Barangay Aplaya sa Hagonoy, Davao del Sur dahil sa duda na ASF ang sanhi ng pagkamatay sa mga baboy sa lugar.

Matapos ang kumpirmasyon, agad ipinag-utos ni Oñate ang istriktong pagpapatupad ng 1-7-10 protocol.

Sa ilalim ng 1-kilometer radius, papatayin ang mga baboy na nasa 1-kilometer radius o nakapalibot sa “Ground Zero” o ang lugar kung saan nadiskubre ang mga baboy na nag-positibo sa ASF.

Sa 7-kilometer radius, isasailalim sa blood testing ang 30 baboy sa bawat barangay na nasa 7-kilometer radius. Kung mag-negatibo ito sa ASF, maaari pang ibenta ang mga baboy sa loob lamang ng probinsya.

Habang sa 10-kilometer radius, ang mga baboy na nasa loob ng 10-kilometer radius ay maaring maibenta sa labas ng probinsya ngunit kailangan ang legal na mga dokumento gaya ng sertipikasyon mula sa Veterinary Office. (DONDON DINOY)

 

176

Related posts

Leave a Comment