PWDs SA PHILHEALTH APRUB NA SA KONGRESO

philhealth

(NI BERNARD TAGUINOD)

PIRMA na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan at otomatikong pasok na bilang miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang humigit kumulang isang milyong Filipino na may kasapasanan.

Ito ay matapos ratipikahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Bicameral conference committee report para sa mandatory Philhealth coverage ng mga PWDs sa bansa.

Base sa statistika noong 2010, 1.23 sa populasyon ng Pilipinas ay may kapansan kaya umaabot ang mga ito sa 935,551 at inaasahan na lumaki pa ito sa nakaraang walong (8) taon.

Sa pinagtibay na panukala, nakasaad na ang gobyerno na mismo ang magbabayad sa premium ng lahat ng PWDs sa buong bansa at kapag nagkasakit ang mga ito ay ang Philhealt ang sasagot sa kanilang gastusin sa pagpapagamot.

Kapag ang PWDs naman ay may trabaho ay pagtutulungan ng estado at kanilang employer ang pagbabayad sa buwanang premiums ng mga ito sa Philhealth.

Nangangahulugan na hindi na maglalabas ng anumang halaga ang mga PWDs sa kanilang membership sa Philhealth.

Kukunin ang makokolektang buwis sa sin products tulad ng sigarilyo at alak ang ibabayad ng gobyerno sa kontribusyon ng mga PWDs sa Philhealth kaya walang dapat umanong ipag-alala ng estado.

Inaatasan din ng panukalang ito ang Philhealth na bumuo ng “exclusive health package”  para mga PWDs na tututok sa kanilang pangangailangang pangkalusugan at makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Council of Disability Affairs (NCDA) at iba pa para sa implementasyon ng batas na ito sakaling lagdaan na ni Duterte.

227

Related posts

Leave a Comment