IKINATUWA ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang suporta ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa kanilang laban kontra sa Kaliwa Dam project sa Quezon Province.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, lalong lumakas ang kanilang loob na labanan ang proyektong ito na popondohan ng China dahil sisirain lamang umano nito ang kabundukan at kalikasan sa Quezon at Rizal.
Base sa pastoral letter ng CBCP na inisyu ni CBCP president at Davao Archbishop Romulo Valles na pinamagatang “I Look Up to the Mountains”, ipinatitigil ng mga ito ang Kaliwa Dam projects at iginiit na rebyuhin muna ang kontratang pinasok ng gobyerno sa China.
Naging kontrobersya ang nasabing proyekto dahil bukod sa popondohan ito ng China ay Chinese companies din ang magpapatupad o gagawa sa nasabing proyekto.
Masyado rin umanong mataas ang interes na sinisingil ng China sa ipapautang nito at ginamit din umanong garantiya ang likas na yaman ng Pilipinas.
Layon ng nasabing proyekto na madagdagan ng 600 million liters per day (MLD) ang supply ng tubig sa Metro Manila bagay na kinontra ni Cullamat dahil mas malaki umano ang nawawalang tubig sa tubo ng Maynilad at Manila Water na umaabot sa 900 MLD. BERNARD TAGUINOD
