DINALA sa ospital ang limang Pinoy repatriates mula sa cruise ship na MV Diamond Princess sa Japan at kasalukuyang naka-quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac matapos makitaan ng mga sintomas ng respiratory illness.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, unang nakitaan ng sintomas ng sakit ang tatlo sa kanila na pawang lalaki, noong Pebrero 26.
Dalawa sa kanila, na edad 34 at 27 ay nakaranas ng sore throat habang ang isa pa, na 39-year old ay nagkaroon ng ubo kaya’t inilipat sila sa isang referral hospital sa Central Luzon para sa isolation at kaukulang medical management.
Kaagad din silang isinailalim sa pagsusuri at dalawa sa kanila ang nagnegatibo na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang inaantabayanan pa ng DOH ang resulta ng pagsusuri sa isa pang Pinoy na nakitaan ng sintomas.
Nasa maayos naman umanong kondisyon ang mga naturang Pinoy na itinuturing na ngayon na Patients Under Investigation (PUIs).
Bukod sa naturang tatlong Pinoy ay dalawa pang Pinoy na naka-quarantine din sa New Clark City ang nakitaan ng sintomas ng respiratory illness.
TRAVEL BAN SA JAPAN
Samantala, pinag-aaralan ngayon ng Inter-Agency Task Force for Infectious Diseases ng gobyerno ang posibilidad na isama na rin ang bansang Japan sa travel ban dahil sa panganib ng coronavirus disease 19 (COVID-19).
Sinabi ni Cabinet Sec Karlo Alexi Nograles na hindi puwedeng isantabi ang nangyayari sa Iran at maging sa Japan at Italy.
Bunsod na rin ito ng mga dumaraming kaso ng covid 19 sa tatlong mga bansa kung saan marami rin bilang ng mga Pilipino
Sa ngayon, umiiral ang travel ban sa China at mga teritoryo nito gayundin sa South Korea.
Nabatid na pansamantalang ipinasara ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang lahat ng mga paaralan sa loob ng isang buwan para sa kaligtasan ng mga estudyante mula elementarya hanggang high school.
Para naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hihintayin na lamang ng Malacañang ang rekomendasyon ng task force na pinamunuan ng Department of Health (DOH) na siyang nag-aaral at nagbabantay sa mga development ng COVID-19 na nakaapekto na sa maraming bansa sa mundo.
Samantala, kasalukuyang umiiral ang travel ban dahil sa COVID-19 sa mga bansang China at South Korea, habang partial lifting ng ban ang umiiral sa mga bansang Hong Kong at Macau. DAHLIA S. ANIN, CHRISTIAN DALE
