ABS-CBN, PWEDE NANG MAG-OPERATE KAHIT WALANG PRANGKISA

MAAARING tumulog sa kanilang operasyon ang ABS-CBN kabilang ang dalawa pang kumpanya nito kahit walang prangkisa dahil inaprubahan ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng paniniwala na dapat bigyan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority ang TV network habang dinidinig ng Kongreso ang kanilang prangkisa.

Sa kanyang paliwanag sa deliberasyon ng Senate Resolution No. 8, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi nangangahulugan na pinalalawig ng resolusyon ang prangkisa ng ABS-CBN.

“We are not extending the franchise. We are just reiterating what happened in the past where NTC allowed others to operate even if their franchise was expired,” ayon kay Drilon.

Iginiit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na walang dahilan kng bakit hindi magpapalabas ng provisional authority para saABS-CBN na naging “standard practice” na payagan ang mga broadcast network na mag-operate kahit nakabinbin ang kanilang franchise bill sa Kongreso.

“It is within the boundaries of these regulatory bodies,” ayon kay Zubiri na tumutukoy sa mga naunang kaso na nagpalabas ng temporary permits ang NTC kahit nakabinbin ang prangkisa sa Kongreso.

Base sa ulat ni Senate President Vicente Sotto III, nagbigay ang NTC ng temporary permits sa 338 kumpanya noong 2015, 259 noong 2017, 155 sa 2018, at 300 nitong 2019.

“ABS-[CBN] deserves an authority to operate while their franchise approval is pending,” ayon kay Sotto.
Pabor din si Senador Manny Pacquiao na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN habang nakabinbin ang prangkisa nito para hindi malagay sa alanganin ang 11,000 manggagawa na umaasa sa network.

“Kawawa naman ang mawawalan ng trabaho kapag nagkataon,” ayon kay Pacquiao.

Sa naganap na botohan, walang tumutol sa inaprubahang simple resolution kaya’t naging hudyat ito sa NTC na may permiso na sila sa Lehislatura na magbigay ng PA.

Sa unang deliberasyon ng Senado, ang naturang resolusyon ay isang concurrent resolution na kailangan ng counterpart resolution mula sa Mababang Kapulungan, ngunit pinalitan at ginawang simple resolution upang mapadali ang deliberasyon.

Si Senador Panfilo Lacson ang naghain ng manipestasyon na gawin itong simple resolution.
Bukod kay Senador Lito Lapid, inawtor ang naturang resolusyon nina Senador Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay, Zubiri, Sonny Angara, Ralph Recto, Grace Poe at Manny Pacquiao. ESTONG REYES

141

Related posts

Leave a Comment