KRIMINAL DUMAGSA SA PINAS

Chinese mafia i-deport – solon

HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa pamahalaan partikular sa Bureau of Immigration (BI) na kaagad ipatapon ang lahat ng Chinese nationals na miyembro ng sindikato na gumagawa ng krimen sa bansa at nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangang protektahan ng pamahalaan ang mamamayan na lubhang maaapektuhan ng patuloy na pagsasagawa ng kriminalidad ng mga Chinese na nagtatrabaho sa POGOs.

“Deport these criminals. Filipinos’ safety comes first,” ayon kay Hontiveros.

Naunang sinabi ni Hontiveros, chairwoman ng Senate Committee on women, youth and gender equality, na nag-aalok ang mga tour operator ng birth certificates at passports sa Chinese nationals.

Sinabi pa ni Hontiveros na bahagi ng Pastillas scheme sa BI ang mga tour operator.

Iniulat ng Bureau of Customs na umabot na sa $447 million (P22.68 billion) ang pumasok sa bansa mula September 2019 hanggang February 2020, kalahati nito mula sa Chinese nationals.

Samantala, inumpisahan nang habulin ng pamahalaan ang mga hindi nagbabayad ng tamang buwis lalo na pagdating sa franchise taxes.

Sa katunayan, ayon kay Department of Finance Asec. Tony Lambino ay binuo na ni Finance chief and economist Carlos G. Dominguez III ang POGO Task Force noon pang nakaraang taon.

Aniya, marami nang isinarang POGO service providers dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
May ilan din aniyang POGO service provider ang isinara dahil hindi nagre-remitt ng tamang withholding tax.

Sa katunayan nga aniya ay may naipasara sila na hindi nagbayad ng P1.3 billion na buwis subalit makalipas ang dalawang araw ay nagbayad ito sa pamamagitan ng postdated checks.

Ang unang payment aniya ay P250 million na babayaran sa loob ng tatlong buwan. ESTONG REYES, CHRISTIAN DALE

196

Related posts

Leave a Comment