KONGRESO MAGSASAGAWA NG SPECIAL SESSION PARA SA COVID 19 

NAKATAKDANG magsagawa ng special session ang Kongreso upang talakayin ang mga bagay na dapat paghandaan kasama na ang paglalaan ng sapat na pondo para sa paglaban sa COVID 19.

Batay na rin ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matiyak na hindi kakapusin ang gobyerno ng budget sa anomang pangangailangan makaraang ideklara na ang state of calamity sa bansa.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, hinihintay na lamang nito ang pormal na direktiba ng Pangulo at pagsang-ayon ng mga kasamahan upang isagawa ang special session, bukas, March 21.

Kabilang aniya sa  pag-uusapan ang economic stimulus package na maaaring maging ayuda ng gobyerno kasunod na rin ng ulat na posibleng sa susunod na linggo ay kapusin na rin ng pondo ang mga lokal na pamahalaan.

“Hindi ko pa sigurado kung tatawaging supplemental budget eh pero parang it will be a law allowing  the President to use unused funds for this particular, specific, para sa COVID-19. Nothing else, hindi pwede,” saad ni Sotto.

Pag-uusapan naman kung papayagan ang media coverage sa special session sa gitna ng paglilimita ng Senado sa mga taong papasok sa gusali.

Ipinaliwanag ni Sotto na batay sa proseso, sabay na magbubukas ng  hiwalay na sesyon ang Kamara at Senado subalit kinakailangang mauna ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagpapasa ng supplemental budget bago iakyat sa Senado.

Sa naunang pahayag ni Sotto, posibleng umabot sa P100 bilyon ang kakailanganing supplemental budget para sa COVID 19.(Dang Samson-Garcia)

130

Related posts

Leave a Comment