CAVITE – Umabot sa P1.3 milyong halaga ng disposable facemask ang nasabat ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at nadakip ang pito katao,
kabilang ang isang Malaysian national, sa ikinasang entrapment operation sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga arestado na sina Hasan Meahar Asana, 43, Chinese Filipino, supplier; Lai Geou Tee, 28, Malaysian national, supplier; Ma. Anelia delos Reyes, 60, financier; Micah Salvador, 27, financier; Vanessa Zolayvar, 35, ahente; Dennie Realon, 29, ahente, at Bienvenido Alvarez, 52, ambulance driver.
Sa ulat ng (CIDG)-Cavite, isinagawa ang pagsalakay dahil sa tawag ng isang concerned citizen hinggil sa Facebook account ng isang Vanesa Zolayvar na umano’y
nagbebenta ito ng expired at overpriced na disposable N88 facemasks sa Cavite.
Sa kanyang pagtatanong ay nabatid niya na P1,500 ang halaga ng isang kahon ng nasabing facemask na naglalaman ng limang piraso.
Ayon sa CIDG, ang nasabing presyo ang mas mataas kumpara sa itinadhana ng Department of Trade and Industry (DTI) kaya ikinasa ang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng CIDG-Cavite, Cavite PPO, Carmona Municipal Police Station at DTI Cavite dakong alas-9:30 ng gabi noong Martes sa Waltermart Mall sa Brgy.
Maduya, Carmona Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
