SALAMAT na lang at mayroong Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR, na naglabas ng bilyong pisong halaga ng kanilang kita para mabigyan ng pondo ang pamahalaan upang labanan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Kamakailan ay opisyal nang na-i-release ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang P12 billion cash dividends sa National Treasury para saluhin ang mga gastusin na dulot ng epekto sa ekonomiya ng bansa sa ginagawang paglaban sa ng COVID 19.
Sa ulat ni PAGCOR Chairman and CEO Andrea Domingo, sinabi nito na ang nasabing halaga ay mas malaki ng 44.74% kumpara sa nakasaad sa Republic Act 7656, kung saan inaatasan ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) tulad ng PAGCOR na magremit ng 50% ng kita nito sa pamahalaan.
Nabatid na maliban sa nasabing P12 billion cash dividends, ang PAGCOR ay nauna nang nag-donate ng kabuuang P2.5 bilyon na karagdagang pondo sa national government bilang tulong upang labanan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Paliwanag naman ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez ang remittance na ito ng PAGCOR ay malaking kontribusyon sa hakbangin ng pamahalaan na labanan ang matinding epekto ng COVID-19 sa kita ng gobyerno.
Samantala, kailangan talagang parusahan ang mga pasaway tulad ng senador na tila walang isip na bagaman batid niyang may mga sintomas na siya ng coronavirus ay hindi pa siya nag self-quarantine at sa halip ay naggala pa siya sa isang pagamutan at namili pa sa isang pamilihan kung saan marami siyang nakasalamuhang doktor at empleyado.
At dahil isa siyang opisyal ng pamahalaan, dapat ay mas mabigat na parusa ang kanyang kaharapin upang matauhan o matuto ang mga pasaway nating kababayan na hindi biro-biro ang kinakaharap na problema ng sanlibutan o ng daigdig sa paglutang ng pandemyang ito.
Hindi ba masasabing pag-abuso sa kapangyarihan ang ginawa ng senador na ito? Sa halip na maging magandang halimbawa siya ng tamang gawa upang pamarisan ay naging pasaway kaya naman nakatikim siya nang panlalait at batikos mula sa mamamayan.
Isang kagandahan lang sa senador ay naglakas loob itong aminin na siya ang tinutukoy gayunman, dapat ay magkaroon ng kamay na bakal ang pamahalaan upang mabigyan ng leksyon ang mga pasaway.
Sana lang, maging disiplinado ang mamamayan na huwag na magpagala gala upang hindi na kumalat pa at mapagtagumpayan natin ang laban sa coronavirus.
