(NI BERNARD TAGUINOD)
TIYAKING hindi mangyayari sa national ID system ang pagkawala ng personal data ng mga passport holders matapos itakbo umano ito ng dating kontraktor ng e-passport.
Ito ang panawagan ni Quezon City Rep. Winston Castelo sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Privacy Commission (NPC) matapos mabunyag ang pagkawala ng mga personal data ng mga passport holders sa Department of Foreign Affairs.
Sa ngayon ay naghahanda na ang PSA, NPC at iba pang ahensya ng gobyerno para iimplementa ang ID System sa bansa kung saan bawat mamamayang Filipino ay magkakaroon na ng iisang ID na lamang.
Maglalaman ang ID na ito ng mga personal information ng mga card holders tulad ng totoong pangalan, birth date, blood type, height, weight, permanent address at iba pang mahalagang impormasyon kaya kailangang pag-ingatan ito at hindi magaya sa nangyari sa DFA.
Nabuko ang pagkawala ng personal data ng mga passport holders nang obligahin ang mga nagrerenew ng pasaporte na magdala ng kanilang birth certificate dahil dinala umano ng hindi pinangalanang kontrator ang mga impormasyon ukol dito.
Kasabay nito, hiniling ni Castelo sa DFA na pangalan ang kontraktor at tiyakin na panagutin ito dahil inilagay umano nito ang seguridad ng bawat passport holders sa alanganing sitwasyon.
171