BINITBIT ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Manila, ang isang 31-anyos na Indian national makaraang mabuking sa overpricing at hoarding ng thermal scanner sa Sta. Cruz, Manila, iniulat kahapon.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 7581 (Price Act) as amended by RA 10623 and RA 7394 Consumer Act of the Philippines), Article 14 of the RPC (Aggravating Circumstances), DTI Memorandum Circular No. 20-07 “Anti-Hoarding and Anti-Panic Buying” at Proclamation No. 922 of PRRD, ang suspek na si Mukesh Chandwani, account manager at residente ng #9 Indigo St., Stella Maris, Pasig City.
Batay sa ulat ng CIDG -Manila, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa overpricing ng thermal scanner ng ALT Hospital and Medical Supplies sa 1463 Rizal Avenue sa panulukan ng Alvarez St. sa Sta. Cruz.
Agad nagsagawa ng buy-bust operation ang CIDG kasama ang mga tauhan ng Manila Police District-Station 3 at Department of Trade and Industry (DTI) bandang alas- 12:50 ng hapon.
Pagkaraan ay mabilis na dinakma ng mga awtoridad ang suspek nang abutin nito ang bayad sa thermal scanner na P5,000 ang halaga gayong P3,400 lamang ang suggested retail price ng DTI. (RENE CRISOSTOMO)
